Advertisers

Advertisers

‘NO DUTERTE – PART 2’

0 110

Advertisers

SA aking pangalawang aklat, “BUMPS Fifty Years of Dictatorship and Democracy in the Philippines (1972-2022),” tinalakay ko sa Epilogue ang pangunahing pakay na wasakin ng administrasyon ni BBM ang imprastraktura ng mga Duterte sa buong bansa. Walang Part 2 dahil hindi papayag si BBM na manatili sa poder ang ga Duterte. Tuluyan silang uubusin upang hindi nakapamayagpag sa hinaharap.

Ganito katindi ang away ng dalawang pinakamalalaking pamilya pulitikal sa bansa. Mistulang tubig at langis ang dalawang pamilya at hindi sila maaaring muling pagsamahin. Kinakatawan nila sa kasalukuyan ang dalawang tema ng pulitika ng bansa: awtoryanismo (o diktadura) at demokrasya. Naghahatakan ang dalawang tema sa pulitika ng bansa.



Sa aking aklat, isinalarawan ko sa isang sound bite ang takbo ng pulitika ng bansa: Duterte Free Philippines 2025. Nais ng administrasyon ni BBM na tuluyang mawala ang bansa sa anumang impluwensiya ng mga Duterte sa taong ito. Walang humpay at walang awa nilang gagawin ito, sa totoo lang. Uubusin sila ngayong taon upang hindi na makaporma sa halalan pampanguluhan sa 2028.

Umpisahan natin sa ama – Gongdi. Sisiguraduhin ng administrasyon na mananatili si Gongdi na nakapiit sa facility ng ICC sa The Hague. Mas nanaisin ng gobyerno ni BBM na nakakulong si Gongdi. Mas matagal, mas mabuti. Dahil wala na ang pinuno ng sindikatong Davao City, sisiguraduhin ni BBM na hindi na makabalik ang mga makapangyarihang alalay tulad ni Bong Go at Bato dela Rosa.

Maaaring manalo sa halalan sa Mayo 12 si Bong Go at Bato, ngunit sisiguraduhin na hindi sila nakaupo dahil may mga sakdal na bubunuin ang dalawang alalay. Maaaring bumaligtad si Bong Go at Bato upang makaupo, ngunit wala na silang lakas upang ipagtanggol ang kanilang amo. Mistulang palamuti sila sa pulitika ng bansa. Wala silang silbi, sa maikli.

Kapag ganap na mapahina ang dalawang alalay, isusunod si Misfit Sara, ang pinakamataas na Duterte na halal ng bayan. Sisiguraduhin ni BBM at kahit si LAM na napatalsik siya sa pwesto bilang pangalawang pangulo sa isang madamdaming impeachment trial pagkatapos ng halalan. Hindi na makakabangon si Misfit Sara sa isang Senado na may mga bagong kasapi na hindi papayag na naimpluwensyahan ni Gongdi.

Wala na si Gongdi na may lakas, yaman, at impluwensiya ang ating pulitika. Hindi namin alam kung paano mapanatili si Misfit Sara. Hindi siya pagbibigyan ni BBM. Sa klase ng kanyang taray at pananalita, hindi na siya mananatili sa poder paglampas ng 2025. Nakikita niya ang wakas ng paghahari ng mga Duterte sa pulitika. Tanging ang pagbisita sa tila nababaliw na ama sa kulungan ng ICC sa The Netherlands ang pagkakaabalahan sa mga susunod na panahon.



Kaya makikita ang dalawang Duterte na abala sa dalawang kaganapan. Si Gongdi sa pag-uusig at paglilitis sa ICC sa The Hague at si Misfit Sara sa impeachment trial ng Senado. Hindi namin nakikita na makakalusot sila sa dalawang prosesong ito.

Samantala, hindi namin nakikita na makakalusot ang iba ang Duterte. Malamang matalo si Gongdi at si Karlo Nograles ang susunod na alkalde ng siyudad. Hindi namin nakikita na mananalo si Polong kay Migs Nograles na mas popular kesa kay Polong. Hindi rin mananalo si Baste bilang bise alkalde sa Mayo. Dahil wala si Gongdi, maaaring umakyat si Baste, ngunit hindi namin nakikitan na mgwawagi siya kay Karlo.

Sa maikli, dadapa sina Polong at Baste. Ang maaaring lumusot ay ang apo ni Gongdi na tumatakbo bilang konsehal, ngunit hindi ito ganap na kilala kaya wala itong ngipin upang magtakda ng pulitika sa Davao City.

Ang nakikita namin na makikinabang sa pulitika ay si Tsis. Siya ang namumuno sa impeachment trial ni Misfit Sara. Maaaring tumakbo siya sa panguluhan sa 2028 at pilit niyang sinusungkit ang suporta ng mga Duterte. Maaaring si Tsis ang magiging susi upang makabangon ang mga Duterte sa pulitika. Gayunpaman, maraming maaaring mangyari mula ngayon hanggang 2028, sa totoo lang. Hindi nakakasiguro si Tsis sa suporta ng mga Duterte – at China.

***

ANG bansang marapat manmanan sa paglubog ng mga Duterte ay ang China. Dahil mawawalan ang Peking ng magtatangggol sa kanilang interes sa Filipinas, nakikita namin na maghahanda sila ng kanilang kapalit. Hindi uubra si Bong Go, hindi si Bato, at hindi uubra si Robin dahil nuknukan ng kabobohan. Nakikita namin si Tsis bilang kapalit ng mga Duterte sa pinakamaikling panahon..

Madulas ang dila ni Tsis.May kaunting katalinuhan at mayroon rin dibdib para sa kalokohan at kawalanghiyaan. Nakikita namin na susuportahan ng China upang pamalit kay Misfit Sara sa 2028. Ang problema niya ay ang tamang pagbaybay sa pulitika dahil bistado ang baraha niya. Bistado siya na bata ni Gongdi at may hawak ang huli laban sa kanya.

Habol ni Tsis ang suporta ng China sa halalan pampanguluhan sa 2028. Kung makuha niya at tiyak na makukuha niya, walang limit ang daloy ng pondo upang mahalal siya sa 2028. Gagawin ng Peking ang lahat upang manatili ang kanilang impluwensiya sa bansa. Batid nila na madaling mabili ang mga opisyales natin. Ang problema nila ay madali silang mabasa at tiyak na kokontrahin sila ng Estados Unidos. Magmatyag tayo.

***

HANGGANG ngayon, hindi kami makapaniwala na suportado ng China ang training kuno ng ilang pro-Gongdi na vlogger. Kaya pala labis-labis silang magsipsip sa Peking. Halatang isinuko ang kanilang dangal upang ipagtanggol ang China na kinamkam ang ilang piling bahagi ng West Philippine Sea.

Hindi namin ibibigay ang pangalan ng mga vlogger na ito dahil hindi namin nais na sumikat sila. Mabuti nalang at may Tricom na kumalkal sa kanilang baho at ipinagkatago-tagong lihim ng pagtataksil sa bayan. Mabuti na lang at mayroon tayong mambabatas tulad ni Jayjay Suarez, Jude Acidre, at Benny Abante. Dapat silang suportahan sa kanilang krusada sa malaya at tapat na pamamahayag.