Advertisers
Nais ni ACT-CIS Representative at senatorial candidate Erwin Tulfo na bigyan ang mga Muslim employees ng prayer breaks sa kanilang mga pinagtatrabahuan.
Ayon kay Cong. Tulfo, “sa Islam kasi, limang beses kailangan magdasal ang mga kapatid nating Muslim sa isang araw”.
“Dalawa rito ay mahahagip sa oras ng paggawa tulad ng ‘Dhuhr’ na isinasagawa bandang tanghali na pag-alala kay Allah at paghingi ng direskyson sa kanya, habang ang ‘Asr’ ay bandang hapon naman bilang pag-alala pa rin kay Allah at pagmumuni sa kanilang buhay kung ito ba ay naaayon pa rin sa kagustuhan ni Allah,” paliwanag ni Tulfo.
Dagdag pa ng mambabatas, “kadalasan nahihiya na magpaalam ang mga kapatid nating Muslim sa employer o boss niya kasi baka ano pa ang masabi sa 10 to 15-minute break na hihingin niya lalo pa kung iba ang relihiyon ng supervisor o amo niya.”
Dahil dito, maghahain ng isang panukalang batas si Tulfo pagbukas muli ng Kongreso sa Hunyo para mabigyan ng dalawang prayer breaks ang mga Muslim workers sa kanilang trabaho mapa-pribado man o gobyerno, sa loob ng walong oras na paggawa.
Laman din ng panukalang batas na bigyan ng isang prayer room o espasyo man lang para makapagsamba ang mga Muslim employees ng kumpanya o ahensya.
Ani Tulfo, ito ang kahilingan ng ilan niyang mga kaibigang Muslim na magkaroon ng batas para makapagsamba sa oras ng paggawa.
May ilang kumpanya o ahensya ng gobyerno na ang nagpapahintulot ng prayer breaks sa kanilang mga Muslim workers partikular na sa Muslim Mindanao provinces. (Cesar Barquilla)