Advertisers
LAGUNA – Saktan mo na ang babae, ‘wag lang pagnakawan ng puri kung ayaw mong mapatay o magdurusa habambuhay sa kulungan.
Tulad ng kasong ito. Pinatay sa saksak ng isang “yaya” ang kasamahang “boy” na umano’y gumahasa sa kanya sa Sta. Elena Village, Barangay Malitlit, Sta. Rosa City nitong araw ng Pasko, Disyembre 25.
Ayon sa ulat ni Police Lt. Col. Vicente Amante, hepe ng pulisya, sinaksak at napatay ng kasambahay na si Michelle Clamor Andaya, 32 anyos, may asawa, tubong Negros Occidental, pansamantalang naninirahan sa Bgy. Banlic, Cabuyao City, ang “gumahasa” sa kanya na si Elgine Modoc Agsaway, 35, binata, tubong Agusan del Norte.
Nabatid na 9:30 ng umaga nitong Pasko nang mangyari ang insidente habang magkasama sa bahay na kanilang pinaglilingkuran sina Michele at Elgine.
Base sa pahayag ni Michelle sa pulisya, sinamantala ni Elgine ang pagkakataon na wala ang kanilang amo. Puwersahan aniyang pumasok ang boy sa loob ng kanyang kuwarto at pilit siyang pinagsamantalahan.
Matapos ang pananamantala, nakatulog ang boy sa kuwarto ng yaya. Dito nagkaroon ng pagkakataon si Michelle na saksakin ng kichen knife hanggang sa mapatay si Elgine.
Nagtamo ng mahigit sampung saksak sa leeg, mukha at dibdib ang boy.
Kusang loob na sumuko pulisya at umamin sa nagawang krimen si Michelle.
Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng insidente ang ginamit na kutsilyo.
Nakapiit ngayon sa Sta. Rosa City PNP si Michelle. (DICK GARAY)