MGA DOKTOR AT MEDICAL PRACTITIONER ANG DAPAT MAMAHALA SA PAGLABAN AT PAGSUGPO SA COVID-19, HINDI MGA PULIS AT SUNDALO AT KUNG SINO-SINO PANG PONTIO PILATO
Advertisers
Mga doktor at medical practitioner ang dapat mamuno at mamahala sa pagsugpo ng Covid 19 at di mga pulis o sundalo at kung sino pang mga tao na kinabibilangan ng mga abogado, negosyante, ekonomista at kung sino-sino pang pontio pilato.
Ito ang napipisil at suhestiyon ng ilang eksperto, politiko, negosyante at mga health workers sa ating gobyerno partikular na kay Pangulong Rodrigo Duterte na ang mga nilagay at pinamunong mga tao ay wala man lang kapirasong background sa medisina.
Hindi anila mga rebelde, terorista at kriminalidad ang kalaban natin sa puntong ito upang ipangasiwa sa mga heneral o mga dating heneral ang mga hakbang at alituntunin laban sa killer virus.
Mas lalong hindi dapat ang abogado dahil wala namang kasong sangkot dito na ipinaglalaban sa korte, hindi rin naaangkop ang isang negosyante dahil hindi naman kalakalan ang isyu at mas lalong hindi dapat ang ekonomista sa kadahilanang hindi naman pagmimintina o pagpataas ng ating pera ang sangkot.
Ang pinaka punto’t pinag-uusapan dito ay ang killer virus na covid 19 na kasalukuyang dumadami ang nagiging biktima sa buong bansa. Hindi ito nakikita at walang pinipiling tao na kanyang kakapitan.
Bilang killer disease at isang karamdaman na hanggang sa ngayon ay wala pang lunas. Walang ibang taong dapat na gumawa ng aksiyon o hakbang laban dito kundi mga doktor na gumugol ng maraming taon upang tapusin ang kanilang propesyon.
Ito talaga ang kanilang linya at expertice partikular na sa panggagamot ng kung ano-anong karamdaman, sakit, gayundin ang pagpigil at pagsugpo ng epidemic at pandemic na malamang na dulot ng virus.
Praktikal lang po di ba, maliban sa isang doktor, ano ba ang karapatan ng ibang taong may ibang propesyon upang panghimasukan at gawan ng hakbang ang virus na ito? iri-rhytmn ba nila, kakapain at baka matsambahan kung paano ito susugpuin hehehe. Magkonsentra na lang kayo sa inyong mga linya at ipaubaya na ang bagay na ito sa mga doktor na siguradong may angking kaalaman hinggil dito.
Ilan grupo na ba ang binuo ng ating gobyerno? Nandyan na ang Inter-Agency Task Force (IATF), National Task Force aginst covid 19, Task Force Covid Shield at kung ano-ano pa. Sa dami ng tinatag na grupo, may doktor bang namuno na dito? Naging epektibo ba ang mga task force na ito, palpak at lalo pang lumala ang situwasyon.
Hindi naman sinasabing alisin sila sa puwesto at huwag ng pilitin na magkaroon sila ng partisipasyon at aksiyon dangan nga lang ay ipa-ubaya na lang natin ito sa nakakaintindi at mas nakakaalam. Hayaan naman natin sila ang mamuno at magdala ng martsa tutal ay nauna na kayong sumubok.
Hayaan naman natin na ang mga doktor naman ang maging bida tutal ay pwede naman kayong supporting actor. Tulong-tulong lang tayo dahil kayo rin ang bubuo at tatapos ng pelikula pagdating ng araw.
Sa pagkakataong ito ay naging bukas at dininig ng ating mahal na Pangulo ang karaingan ng ating mga doktor, mga bumubuo ng Philippine Medical Association, Philippine College of Physicians at mga health workers na nakakaramdam na ng sobrang pagod at nagre-request na ng time-out.
Ang kanilang kahilingan na muling ibalik sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang National Capital Region (NCR) ay naganap. Sa pagkakataong ito nga naman ay magkakaroon sila ng break upang muling rebisahin at pag-aralan kung saan sila nagkulang at kung ano ang dapat naman nilang punuan.
Yaman din lamang na sila’y napagbigyan, bakit di pa hustuhin at imani-obra naman sa mga doktor ang pamunuan. Baka sakaling sa kanilang patakbo’t pamamahala ay mapigilan naman maski konti ang covid-19, there’s no harm in trying, di ba?