Advertisers
LAYON ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na magkaloob ng internet connectivity sa buong kapuluan ng bansa, kabilang na ang mga liblib na lugar, na magbibigay ginhawa, hindi lamang sa mga sangay at tanggapan ng pamahalaan, kundi maging sa mga pribadong negosyo, mga guro, etudyante, at ordinaryong mamamayan na tiyak na magpapalago sa ekonomiya.
Ito ang ipinahayag ni DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy sa ginanap na lingguhang Balitaan sa Tinapayan kung saan ang Broadband ng Masa Program o BBMP na aniya ay magiging isa sa iiwang pamana ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyak na maisasakatuparan.
Ayon kay Usec. Dy, bukod sa libreng internet sa buong bansa ay tinututukan din ng kanilang ahensiya ang pagsawata sa “fake news” na bagama’t aminado siya na isang mahirap na problema ay katuwang naman nila rito ang mga law enforcement agency tulad ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (ACG-PNP), National Intelligence Coordinating Agency (NIC) at maging ang Kongreso.
Pinagtutuunan din ng pansin ng DICT ang phishing at scamming na nagpapanggap na lehitimong tao o kompanya upang makapambiktima at makakalap ng mga sensitibong data, kung saan katuwang nila rito ang National Telecommunication Commission (NTC).
Pinaalalahanan naman ni Usec. Dy ang publiko na magdoble ingat sa panahon ngayon dahil sa makabagong teknolohiya kaya’t hangga’t maaari ay lumikha sila ng paraan, tulad ng pagkakaroon ng “password” para matiyak na kaanak nga nila ang nasa kabilang linya. (BONG SON)