Advertisers
AMINADO si Vice President Sara Duterte na hindi na maibabalik sa bansa si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang tugon ng Bise Presidente nang tanungin sa virtual press conference kung ano ang nararamdaman niya kay National Security Adviser Eduardo Año sa gitna ng pag-aresto sa kanyang ama sa pagbabalik sa Pilipinas noong nakaraang linggo mula sa Hong Kong.
“Sa totoo lang wala akong nararamdaman. Hindi ako galit, hindi ako disappointed. Nothing at all. Kasi pointless naman na mag-harbor ako ng feelings about what happened. Hindi na siya maibabalik. Hindi na mababalik si Pangulong Duterte sa Pilipinas,” wika ni VP Sara.
“So what we should do as a country is move on from what happened. What will we do as [we move] forward as a country and as a people from what happened. Magalit man tayo, walang mapupuntahan ‘yung galit natin dahil hindi naman ‘yan sila pananagutin ng pamahalaan eh,” sabi pa niya.
Bagama’t walang nakitang pagsisikap mula sa mga otoridad ng Pilipinas na iuwi ang kanyang ama, sinabi ni VP Sara na patuloy na maghahanap ng paraan ang kanilang kampo para maibalik ang kanyang ama.
Sinabi rin ng Pangalawang Pangulo na ipinahayag pa ni Rodrigo Duterte na gusto pa rin niyang magsilbi bilang alkalde muli ng Davao City.
“Dapat siguro i-demand natin sa kanila na mag-isip sila, but clearly from the answers of secretary of the Department of Justice kanina, I don’t think they will make moves in taking back or bringing the former President home. So hahanapan na lang namin ng ibang paraan kung paano maiuwi ang ating dating Pangulo,” wika ng Bise Presidente.
Sinagot din ni Sara Duterte ang mga tanong ng posibleng “traidor” na mga kasamang lumipad sa Hong Kong ng kanyang ama.
“Hindi ko man matawag siguro na traitor, pero sigurado ako sa dami ng tao na ‘yun sa loob ng kwarto na ‘yun ay meron talagang nagsasabi kung ano ang pinag-uusapan doon sa loob. Kung kanino nila sinasabi, hindi ko alam,” dagdag pa niya. (Mylene Alfonso)