Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
ANG businesswoman at mayoralty candidate sa Pasig City na si Sarah Discaya ang kumumbinsi kay Ara Mina na tumakbo bilang konsehal sa District 2 ng nasabing siyudad.
Nagkakilala sila sa isang medical mission ng foundation ni Sarah.
At dahil pareho ang advocacy nila na women empowerment, at pagbibigay-halaga sa mga PWDs kaya nagkasundo sila.
Pero tatlong buwan din palang pinag-isipan at humingi ng mga signs kay Lord si Ara bago tuluyang nakapagdesisyon na tanggapin ang alok.
At kung bakit sa Pasig si Ara tatakbong konsehal, dahil tagarito naman daw talaga siya. May bahay dito ang kanyang mommy na si Venus Imperial at dito rin siya lumaki.
Ipinagmamalaki nga niya ang mommy niya na nakuha ang titulo noon bilang Mutya ng Pasig. At naging artista rin pala ito.
Nakatrabaho ng kanyang mommy noon si former president Joseph Estrada at ang tinaguriang Action King,ang namayapang si Fernando Poe Jr.
Kung sakaling mananalo nga siyang konsehal, posibleng bumili na rin sila ng bahay sa Pasig ng asawang si Dave Almarinez para rito na rin manirahan nang permanente.
Ipinakilala na ni Ara sa entertainment press ang kanyang “Ate Sarah” na first time papasok sa pulitika dahil construction business talaga ang linya nito.
Pero dahil pareho nga silang gustong makatulong pa sa maraming kababayan nila, hayun nga at papasukin na rin nila ang pulitika.
Samantala, natuwa si Ara na nag-offer ng suporta sa kanyang kandidatura si Piolo Pascual.
***
HININGAN namin ng reaksyon si Rayver Cruz tungkol sa isyung hindi boto sa kanya ang ilang mga tagahanga ni Julie Ann San Jose para maging boyfriend ng singer-actress.
Ayon sa Kapuso actor, hindi siya apektado tungkol dito,at tanggap niya na hindi niya talaga mapi-please ang lahat.
Dagdag pa ni Rayver na dapat na respetuhin na lang ang opinyon ng iba at ang mahalaga ay 100% ang pagmamahal niya sa kasintahan at ganoon din ito sa kanya, bukod pa sa tanggap sila ng pamilya ng bawat isa.
Nang tanungin namin kung may balak na bang i-level-up ang relasyon nila ni Julie Anne at mag-propose na rin sa kasintahan, ang sagot niya, mahirap pang sagutin ito dahil kung mayroon mang tao na dapat ay unang makaalam tungkol dito ay ang kasintahan mismo ‘yun.
Nakausap namin si Rayver sa mediacon ng pelikulang Sinagtala, na isa siya sa mga bida kasama sina Rhian Ramos, Glaiza de Castro, Arci Muñoz at Matt Lozano, na gumaganap sila bilang mga miyembro ng isang banda.
Mula sa ilalim ng direksiyon ni Mike Sandejas ang Sinagtala at showing na sa Abril 2.