Advertisers
IKINUKONSIDERA ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang pagtatago o hindi pagsuko sa mga otoridad sakaling arestuhin na siya ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Dela Rosa, kasama sa mga “courses of actions” na posible niyang gawin sakaling maisyuhan na siya ng warrant of arrest ng ICC tulad ng mga ginawa noon ni dating Senador Panfilo Lacson at dating Senador Gringo Honasan.
Binigyang-diin niya na kung wala siyang makitang hustisya rito sa bansa ay bakit siya susuko sa mga otoridad.
“Well, kung wala tayong makita na na hustisya dito sa ating bansa, bakit ka susuko? ‘Di ba?” wika ni Dela Rosa sa mga mamamahayag.
“Kasama ‘yan sa kino-consider natin. Kasama ‘yan sa courses of action na pwedeng gawin,” ayon sa senador.
Gayunman, sa kasalukuyan nakaantabay muna si Dela Rosa sa magiging desisyon ng Korte Suprema at kung makitaan niya ng kaunting pag-asa ay saka siya magdedesisyon kapag nangyari ito.
Nagpasalamat naman si Dela Rosa kay Senate President Chiz Escudero sa pagpayag niyang manatili sa Senado hanggang sa maubos ang lahat ng legal remedies.
“I thank the Senate President that he’s willing to protect me while I am still a Senator of this Republic. It shows that the Senate, as an institution, stands for what is right.”
Idinagdag ni Dela Rosa na depende pa rin sa magiging sitwasyon kung dapat na ba siyang umalis sa Mataas na Kapulungan o hindi.
“Hindi ko naman sinasabi na forever akong mag-standby dyan. So, meron pa ring ah kwan, meron pa, hanap pa rin tayong ibang courses of action na pwedeng gawin,” sabi pa niya.
Matatandaang naunang sinabi ng senador na handa siyang magpaaresto sa ICC sakaling isyuhan na siya ng warrant of arrest at sasamahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague. (Mylene Alfonso)