Advertisers
INILABAS ng Commission on Elections (Comelec) ang bagong listahan ng mga lugar sa bansa na nasa ilalim ng areas of concern kaugnay sa nalalapit na midterm elections.
Ibinaba sa green category mula yellow category ang 30 lugar mula sa Ilocos Norte, Bulacan, Negros Occidental, Bohol, Cebu, Zamboanga del Sur, Lanao del Norte, Surigao del Sur, Abra, Kalinga, Lanao del Sur at Tawi-Tawi.
Mula sa yellow, inilagay naman sa orange category ang dalawang lugar sa Region 2, isa sa Negros Oriental, walo sa Region 9, lima sa Region 10, isa sa CARAGA, dalawa sa Abra at pito sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Iniakyat din sa orange category ang Ilagan City at San Mariano sa lalawigan ng Isabela; Almodian sa Iloilo; Candon sa Negros Occidental; Damulog at Manolo Fortich sa Bukidnon; Kauswagan sa Lanao del Norte; mga bayan ng Carmen, Matalam at Kalamansi sa Region 12; Veruela sa Agusan del Sur; Sultan Mastura at Pandag sa BARMM.
32 lugar naman sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang ibinaba sa green category mula sa orange category.
Sampu ang mula red category na inilagay sa orange category, 14 mula green ang iniakyat sa yellow category, anim ang mula yellow at inilagay sa red category, isa ang nasa red category na inilagay sa green category.
Lima rin ang mula orange category na nasa red category na ngayon, dalawang lugar na dating nasa red category ang ibinaba sa yellow, at dalawampu’t limang dating nasa orange category ang ibinaba sa yellow category.
Samantala, wala namang updated entry sa Cotabato City at Sultan Masutra sa Maguindanao del Sur.
Una nang sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na marami pang lugar ang ilalagay sa “red” category habang papalapit ang halalan.
Ang mga nasa green category ay mga lugar na wala nang security concern o itinuturing na mapayapa, may naitalang suspected election-related incidents naman sa mga nasa yellow areas sa loob ng nakalipas na dalawang halalan, habang ang orange areas ay mga may seryosong armed threats at ang nasa red areas ay mga mahigpit na binabantayan dahil sa matinding pulitika mula sa mga lokal na kandidato.