Advertisers
INAMIN ng Malakanyang na nakikipagtulungan ang pamahalaan sa pribadong sektor upang mapabuti ang internet connectivity sa bansa, kabilang ang posibleng pakikipagsanib-pwersa sa mga private telecommunications companies.
Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na determinado ang pamahalaan na palawakin ang internet infrastructure, lalo na sa mga liblib na lugar.
Binigyang-diin ni Castro ang kahalagahan ng maaasahang internet connection upang mapabuti ang kabuhayan at antas ng kaalaman ng mga mamamayan.
Matatandaan na sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Eastern Visayas kamakailan, iginiit ng Pangulo ang pangangailangan ng mas mabilis at mas malawak na internet access sa rehiyon.
Ayon sa Pangulo, bahagi ito ng mas malawak na plano ng Bagong Pilipinas upang matugunan ang digital divide sa mga malalayong lugar.
Aniya, kabilang sa mga hakbang ng pamahalaan ang pagtatayo ng karagdagang cell towers at paggamit ng satellite technology upang mapalakas ang koneksyon sa mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs). (Gilbert Perdez)