Advertisers

Advertisers

Bato, walo pa nakapila sa ICC arrest warrant?

0 3,132

Advertisers

SIYAM na indibidwal, na may kinalaman sa pagpatupad ng madugong “pekeng” war on drugs ng nakaraang administrasyong Duterte, ang nakapila sa mga maiisyuhan ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) pagkatapos ni dating Pangulo “Digong” Duterte.

Ito’y batay sa kopya ng application of warrant na nasa website ng ICC.

Mababasa rito na Redacted o may takip ang mga pangalan ng siyam na indibidwal. Pero binanggit dito ang pangalan ng ilang personalidad kabilang si Vice President Sara Duterte-Carpio na naging alkalde ng Davao City, kapalit ng kanyang ama (Digong) na tumakbong presidente at nanalo noong 2016.



Si Sara ay idinawit ng umaming “pangunahing hitman” ng Davao Death Squad (DDS) na si retired SPO4 Arturo Lascanas, dating personal bodyguard/driver ni Digong.

Si Lascanas kasama ang isa pang umaming hitman ng DDS na si Edgar Matobato ang mga “first hand” witness ng ICC sa kasong kinakaharap ni Digong na ‘crimes against humanity’.

Maliban kay VP Sara, madalas din umanong nababanggit sa ICC ang pangalan ni dating Chief PNP ngayo’y reelectionist Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.

Si Dela Rosa ang “utak” ng ‘Tokhang’ kaugnay ng war on drugs, na ayon sa datus ng human rights groups ay mahigit sa 30,000 ang pinaslang, pero ayon sa PNP nasa 5,000 lamang ang nasawi.

Sa mga naglalabasang video ngayon ng mga interview noon kay Bato, hayagan niyang iniuutos ang pagpatay sa mga “adik” at “tulak”.



Pero marami sa mga napatay, kabilang na ang ilang kabataang estudyante, ay hindi sangkot sa droga. Mistaken identity daw at ito’y sinasabi niyang “collateral damage”.

May mga pinatay ding politiko, abogado, doktor, titser na sinasabing mga sangkot sa droga kahit hindi.

Ang mga pinatay na politiko sa Mindanao, ayon kay Lascanas, ay mga kakompetensiya sa illegal drug trade ng tropa ni Digong na sina Michael Yang, Charlie Tan, Allan Lim at ilan pang Intsik na nagsitakas nang matapos ang termino ni Digong noong 2022.

Balikan natin ang ilan pang personaldad na kinasuhan sa ICC at posibleng maisyuhan ng arrest warrant. Ito’y sina dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre, Police Col. Edilberto Leonardo, Police Col. Royina Garma (naaresto sa Amerika), ex-House Speaker Pantaleon Alvarez, ex-DILG Sec. Ismael Sueno, SPO4 Sanson Buenaventura (dating kasamahan ni Lascanas, ex-NBI Director Dante Gierran, ex-SolGen Jose Calida, ex-Sen. Richard Gordon, at Sen. Alan Peter Cayetano.

Pero walo lamang sa mga ito ang umano’y malamang na maiisyuhan ng arrest warrant. Abangan!

***

Hindi puede si VP Sara na maging miembro ng legal team ni Digong sa ICC dahil isa siyang Bise Presidente. Bawal sa kanya ang mag-practice ng abogado habang nasa puwesto.

Pero may nakuha nang mahusay na banyagang abogado ang kampo ni Duterte. Kasama sa team ang kanyang dating executive secretary na si Salvador Medialdea at Atty. Harry Roque.

Si Medialdea ay nasupalpal na ng ICC Judge sa unang appearance ni Digong.

Si Roque, dating law professor sa UP at dating human rights defender na naging spokesman ni Digong, ay may arrest warrant sa House nang ma-contempt sa ‘di pagsipot sa mga pagdinig hinggil sa human trafficking sa POGO.

Nag-aplay na ng asylum sa Netherlands si Roque.

Kung napapansin ninyo, puros may problema ang mga nagdedepensa kay Digong maliban sa international lawyer.

Ang sunod na pagharap ni Digong sa ICC ay sa Setyembre 23 para sa confimation ng mga kasong kinakaharap niya. Abangan!