Advertisers
KINASUHAN ng Philippine National Police (PNP) ang pulis nito na naghayag ng kanyang tindig sa nagaganap na mainit na pulitikahan sa ating bansa gamit ang social media.
‘Apolitical’ ika nga sa Ingles o hindi dapat namumulitika ang mga kagawad ng PNP ganoon din ang pagiging ‘Non-Partisan’ o wala dapat kinakampihan na partido sa pagganap ng kanilang sinumpaan na tungkulin.
Ang sarap pakinggan ang mga ganitong pahayag ng liderato ng PNP subalit sa tunay na eksena ay sila mismo na mga nasa tuktok o pamunuan ng pulisya ang nagpapagamit o nagagamit ng mga politiko.
Makaraan ang nangyari sa dating Pangulo Digong ay sinasabing marami raw sa hanay ng mga pulis at sundalo ang nalungkot habang may iba naman daw ay nagbitiw pa sa serbisyo.
Ang pinakahuli ay nung mag ‘trending’ o ‘viral’ ang naging pahayag ng isang pulis na agad naman pinatulan ng PNP sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaukulang kaso ng ‘Inciting to Sedition’.
Ramdam na ramdam na balat-sibuyas ngayon ang PNP dahil ilang beses nang pinararatangan ang ilang matataas na opisyal ng mga ito na sumawsaw sa pulitika o away-pulitika.
Ang pangit lang tignan ay kapag matataas na opisyal ang namumulitika ay dedma-dedma ang mga ito kahit garapalan na ang galawan pero kapag yung mga mababang ranggo na pulis ay kaso agad o tanggal pa sa trabaho ang aabutin.
Subalit sa huli ay malaki ang posibilidad na maging kaawa-awa rin ang mga pulis na nagpagamit sa mga politiko dahil sila itong maiiwan matapos na matupad ang pampulitikal na interes ng mga politiko.
Marami tayong kaibigan na mga pulis na mga nasa ibaba at maging yung mga matataas na opisyal nito na nagsasabing sila ay napipilitan na gawin ang mga bagay na pinagagawa nang dahil sa pulitika kahit labag sa kanilang kalooban.
Sa kabila ng ganitong sitwasyon ay pinipili nila na manahimik lalo kung mayroon silang inaasam na maging hepe ng PNP habang yung mga nasa ibaba ay madalas pinipili ang tahimik na buhay ng pagiging pulis. Ika nga… pigilan ang damdamin!
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com