Advertisers
KUNG may tanggapan ng gobyerno na may napakasamang serbisyo na tiyak na makasisira sa liderato ni Batangas City Mayor Beverly Rose Dimacuha ay walang iba kundi ang Office for Senior Citizen Affairs (OSCA) ng naturang siyudad na magiging repleksyon din sa imahe ni Pangulong Ferdinand “BongBong” Marcos Jr. at Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Tiyak na hindi kukunsintihin ng butihing Mayora Dimacuha at ng kabiyak nitong si 5th District Representative Mario Vittorio A. “Marvey” E. Mariño ang mga opisyales at kawani ng OSCA na sa halip na makatulong ay nagsisilbi pang balakid at pahirap sa mga mamamayan lalo na sa hanay ng mga nakatatanda o senior citizen ng lungsod.
Madami ang bilang ng mga senior citizen buhat sa 105 barangay ng Batangas City na umaasa sa mahusay na serbisyo ng mga opisyales at kawani ng OSCA.
Taliwas ang kaganapan sa Batangas City na sa halip na makatulong sa matatandang residente sa lungsod na siyang pangunahing layunin ng naturang tanggapan ay may ilang mga empleyado nito na nasa ilalim ni OSCA Chairman Josefina E. Dangal ang nagsisilbing pahirap, perwisyo, batik sa imahe at maituturing na anay sa liderato ni Mayora Dimacuha.
Kung may iba pang salita sa diksyunaryo na maglalarawan sa kawalang-konsiderasyon, malaking abala at poor service ng Batangas City OSCA ay ito ang dapat na itawag sa ilang empleyado na kulang sa work ethics at pakikipag-ugnayan sa mga taong nagtutungo sa naturang tanggapan. Marahil nang maghasik ang “itaas” ng salitang katamaran at kawalan ng kakayahan ay maaring nasalo ito ng ilang kawani ni Chairman Dangal?
Ang unsolicited advice natin kay Chairman Dangal ay magtalaga ito ng kawani na kwalipikado-hindi lamang basta kwalipikado, kundi yaong mga gumagamit ng kanilang “sentido kumon” at may kakayahang humarap sa iba’t ibang klase ng mamamayan ng lungsod at sa mga sitwasyon, upang hindi malagay sa alanganin ang kanilang tanggapan pati na ang opisina ng butihing alkalde ng Batangas City.
Maituturing na kawalang kakayahan, walang kaalaman o sadyang pamemerwisyo ng ilang kawani ni OSCA Chairman Dangal na ang katwiran ay “sumusunod lamang sila sa utos” sa kanila? Sino kayang Herodes ang nag-utos sa kanila ng katangahan at kapalpakan?
Personal na karanasan ng inyong lingkod na ang simpleng renewal of lost identification card ay pinabalik-balik at paisa-isang hiningan ng mga requirements ng on duty na front desk o receiving clerk ng naturang tanggapan.
Marso 5, 2025 may taong nagtungo sa tanggapan ng OSCA upang magtanong ng mga requirements. Ang pagbibigay ng mga kaukulang requirements para sa renewal of senior ID ay dinala sa tangggapan ng OSCA sa iba’t ibang pagkakataon at mga petsang Marso 7, 10 at 17, 2025.
Hindi tinanggap ng naturang empleyado ang mga requirements na: affidavit of loss, pictures (1×1 2 pcs) at birth certificate na isyu galing sa Batangas City Civil Registrars Office pagkat ayon sa naturang empleyado ay luma na ito at di nakasulat doon ang middle name.
Ang sunod na hinihingi ng naturang empleyado na dalhin ay ang passport ng inyong lingkod. Sa pagkakataong iyon ay walang kopya ng passport kayat ipinakita na lamang ang larawan ng passport na nasa cellphone sa katunayan na nakasaad doon ang hinahanap nilang middle name ng inyong lingkod ngunit iginiit ng nasabing empleyado na magpa-xerox copy ngunit wala naman xerox machine ang OSCA Batangas City.
Nakakadismaya ang proseso ng pagkuha ng I.D. ng OSCA Batangas City. Pahirap at malaking abala sa mga senior citizen na kalimitan ay hirap nang maglakad, naka-wheelchair, malabo na ang mga mata, may mga iniindang iba’t ibang karamdaman at malayo pa ang mga pinanggalingan.
Kasumpa-sumpa at nakakadala ang mga ganitong karanasan sa OSCA Batangas City! Kailangang balasahin na mula sa itaas hanggang sa pinakamababang pwesto at dapat na isailalim sa masusing pagsasanay ang mga public servant na nakatalaga sa naturang tanggapan ng gobyerno. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp.No. 0966 406 6144