Advertisers
NAG-UUMAPAW ang galit ng mga tagasuporta ni dating Pangulo Rodrigo Duterte sa buong mundo matapos mabunyag ang umano’y sabwatan ng matataas na opisyal ng gobyerno.
Sa social media, dagsa ang mga akusasyon laban kay National Security Adviser (NSA) Eduardo Año at Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro, na tinawag na mga “taksil” dahil sa kanilang diumano’y papel sa pag-aresto at paglipad kay Duterte patungong International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Kinondena ng kilalang abogadong si Raul Lambino sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at iba pang matataas na opisyal ng gabinete sa umano’y pagtataguyod ng isang “grand conspiracy” upang ipatapon si Duterte.
Ayon kay Lambino, ang pag-amin ni Interior Secretary Jonvic Remulla ay nagsisilbing ebidensya ng kanilang partisipasyon sa isang gawaing maituturing na kidnapping sa ilalim ng batas ng Pilipinas. Idiniin din ni Lambino na ang ganitong operasyong isinagawa ng gobyerno, na diumano’y pinlano sa pinakamataas na antas, ay isang mabigat na krimen na may matinding parusa, kabilang ang habambuhay na pagkakakulong.
Lumabas din ang ulat na si Secretary Teodoro ang nag-ayos ng eroplanong ginamit upang dalhin si Duterte sa The Hague. Ang eroplanong ito, isang Gulfstream G550 executive jet, ay pag-aari ni Ramon S. Ang, isang kilalang negosyante at malapit na kaalyado ni Teodoro.
Nag-aalab ang galit ng mga netizen at tagasuporta ni Duterte sa buong mundo:
Sa Facebook group na “Duterte Forever”, isang miyembro ang nag-post: “Jonvic Remulla, Secretary of the DILG, publicly admitted that Duterte was transported even without a case filed against him in the Philippines.”
Isa pang tagasuporta, si Antonio Ramos, ang nagbahagi ng isang larawan na may caption na “Interior Sec. Jonvic Remulla admitted his role in FPRRD’s arrest and transfer to The Hague, Netherlands,” na umani ng matinding reaksyon mula sa online community.
Sa opisyal na Facebook page ng PDP Laban, isang post ang naglalaman ng mensaheng “Tatay Digong, hindi ka nag-iisa! Filipino people are awake and will fight for your freedom!” kasabay ng mga hashtag na #BringPRRDHome at #ProtectTatayDigong.
Bukod sa social media, bumuhos din ang suporta kay Duterte sa lansangan. Nitong Huwebes, Marso 13, libo-libong tagasuporta ng dating pangulo ang nagsagawa ng solidarity rally sa Agdao, Davao City upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa pag-aresto at deportasyon kay Duterte.
Iginiit ng mga abogado ni Duterte na ang kanyang paglipat sa The Hague ay isang “state kidnapping”, sinabi nilang “summarily transported to The Hague” si Duterte ng walang tamang proseso.
Habang lumalalim ang kontrobersya, dumarami rin ang mga batikos laban sa administrasyong Marcos mula sa mga tagasuporta ni Duterte, mga political analyst, at mga eksperto sa batas. Lalong tumitindi ang debate sa isyu ng pamamahala, katapatan, at ang pagsunod sa batas sa Pilipinas.
Sa harap ng lumalawak na galit ng publiko, inaasahang haharapin ng administrasyong Marcos ang matinding epekto ng kontrobersyang ito sa mga susunod na araw.