Advertisers
MISTULANG unli-bangungot pa rin ang nararanasan ni Rodrigo Duterte matapos kalawitin siya ng mga tauhan ng Interpol at i-bagon sa eroplano tungo The Hague. Bagama’t lahat ng konsiderasyon ibinigay sa kanila sa estado ng kanyang kalagayan, at sa pagiging dating pinuno ng estado, maliwanag na siya ngayon ay bilanggo sa ilalim ng International Court o ICC.
Matagal din ang tiniis ng mga biktima na nanatiling binusalan ng bibig at tikom sa pagdurusa na naranasan sa ilalim ng rehimeng Duterte. Si Duterte ang kauna-unahang Asyano na nasakdal sa mga krimen laban sa sangkatauhan o crimes against humanity. Si Pol Pot sana ang unang Asyanong nasakdal, ngunit namatay siya bago iniharap sa paglilitis.
Ang International Criminal Courts o ICC ay nagbunga dahil sa Nuremberg Trials, kung saan nilitis at hinatulan ang mga lider na Nazi na nagsagawa ng mga matindi at kahindik-hindik na war crimes noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Minarapat na magkaroon ng permanenteng lugar na papalit sa Spandau Prison.
Lugar na hahawak sa mga kaso ng genocide at crimes against humanity. Sa panayam kasama si Kristina Conti, secretary general ng National Union of People’s Lawyers at Assistant to the ICC Prosecutor, may panganib ang hinaharap ng mga biktima ng drug war ni Duterte kapag binalikan sila at patahimikin.
***
SA patuloy na unli-bangungot, natawa ang inyong abang-lingkod sa pagsasalita ng mga sumasalag na DDS. Nagkalap ng isang rekwa na katuwang ng manananggol ng dating serial killer president, upang tugunan nila ang paglilitis. Kaso tila natataranta ang panig ng pagtatanggol sa isyu.
Sa umpisa pa lang humingi ni Salvador Medialdea ng isang linggong palugit para pag-aralan ang susunod na paglilitis. Maliwanag na hindi siya handa! Bagaman, pinagbigyan siya at sa Setyembre 23 ang susunod na paglilitis.
Sapantaha ko? Walang panalo dito dahil sa kalaunan may anim na buwan siya hihimas ng malamig na rehas matuloy man o hindi ang confirmation of charges. Mistulang PAUSE button ng remote ang kalagayan ni Duterte, at ang kalagayan ng kanilang kinabukasan ng pulitika, sina Sara, Pulong at Baste, naka PAUSE na rin.
Pasalamat tayo nasa ilalim tayo ng demokratikong pamamahala, at may karapatan tayo mag reklamo. Baliktad ang sitwasyon noong panahon ng mga Duterte. Mapalad tayong totoo. Unti-unting maitutuwid ang kamalian, bunga ng kawalan ng katarungan para sa mga naging biktima ng rehimeng Duterte.
Siya, sampu ng kanyang mga kasapakat, ay sa kalunan nananagot. Kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian at ipagdasal natin ng kaluluwa ng mga naging biktima.
***
mackoyv@gmail.com