Advertisers
KINUMPIRMA ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na ang Office of the President (OP) ang nagbayad sa chartered plane na ginamit para dalhin si dating Pangulong Duterte sa The Netherlands.
Gayunpaman, hindi na nito ibinunyag kung sino ang nagmamay-ari sa naturang eroplano at kung magkano ang nagastos sa chartered flight.
Una nang naging usapan ang paggamit sa naturang eroplano na isang Gulfstream G550 at may tail number RP-C5219.
Nasama rin ang pangalan ni Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na posibleng nagmamay-ari nito, bagay na una na ring pinabulaanan ng dating Appropriations chair ng Kamara.
Muli namang iginiit ni Sec. Remulla na ang ginawang pag-aresto sa dating pangulo ay ligal at hindi lumalabag sa mga batas ng bansa at binigyang-diin na hindi isinurender ng Pilipinas ang dating pangulo sa isang foreign leader bagkus ay sa isang international court.
Sinagot din ng Interior secretary ang batikos ng mga kaalyado ng dating pangulo na hindi sinunod ng pamahalaan ang tamang procedure sa pagsisilbi ng warrant kay Duterte.
Sagot ng kalihim, nakakatawa na iginigiit ng mga ito ang karapatan ng dating pangulo, habang aabot sa 30,000 katao ang sumailalim sa summary execution nang walang judicial action at judicial charges noong nakalipas na administrasyon.