Advertisers
MAGIGING bukas sa publiko ang isasagawa ng International Criminal Court na trial laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni The Hague Academy of International Law alumnus, Atty. Dino De Leon, maaaring panoorin ng publiko ang gagawing paglilitis sa dating pangulo kapag nagsimula na ang trial.
Inihalimbawa ng batikang abogado ang ginawa ng international court na inisyal na pagdinig sa isyu kung mayroong hurisdiksyon ang ICC para imbestigahan ang mga patayan sa ilalim ng drug war ng nakalipas na administrasyon.
Ayon kay De Leon, bukas ito sa sinumang nagnanais manood ngunit limitado lamang ang mga seating capacity kaya’t posibleng magpatupad din ang korte ng limitasyon sa mga papapasukin sa loob mismo ng chamber.
Kumpiyansa rin ang law expert na maraming mga human rights advocate ang magnanais na manuod sa isasagawang pagdinig at personal na masaksihan ang paglilitis.
Katwiran nito, maraming magagawang ‘precedence’ ang tuluyang paglilitis kay Duterte tulad ng unang Asian president na lilitisin ng ICC; unang presidente na lilitisin matapos umalis ang kaniyang bansa mula sa Rome Stature, at iba pang bago sa kasaysayan.
Ayon kay Atty. De Leon, ngayon pa lamang ay may ilang mga human rights advocate na ang nagpaplanong personal na manuod sa magiging trial, kasama ang booking ng hotel sa Netherlands, transport schedule, at iba pa.
MATOBATO AT LASCAÑAS HANDA NANG HARAPIN SI DIGONG SA ICC
NAKAHANDA na umano ang dalawang self-confessed Davao death squad member na sina Edgar Matobato at Arturo Lascañas na harapin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Ang dalawang self-confesed hitmen ang inaasahang tetestigo at iprepresenta ng prosecution team, oras na simulan na ang pagdinig sa kasong crimes against humanity ng dating pangulo.
Pahayag ni Fr. Albert Alejo, isa sa mga boarder board member ng international human rights organization na No Peace Without Justice, matagal nang hinihintay ng dalawa na makaharap ang dating pangulo.
Sina Matobato at Lascañas ay kapwa nasa ‘protective custody’ ng ICC ngunit hanggang sa ngayon, hindi pa inilalabas ang kanilang kinaroroonan.
Ayon kay Fr. Alejo, kapwa mga insider ang dalawa at kabisado nila ang sistemang ipinatupad ng dating pangulo sa kaniyang mga kampaniya laban sa ilegal na droga mula noong alkalde pa siya hanggang noong naging pangulo ng Pilipinas.
Mahalaga rin aniya sa isasagawang paglilitis na mayroong mga testigo na umaako ng kanilang ‘involvement’ o pagkakasangkot sa isang krimen at nakahandang sabihin ang mga nalalaman o akuhin ang kasalanan.
Maalalang ang dalawang self-confessed hitmen ang una na ring tumestigo sa ilang serye ng pagdinig mula pa noong panahon na nanunungkulan si Duterte bilang pangulo ng Pilipinas.