Advertisers
Nasawi ang apat katao at tatlo ang sugatan sa sunog na sumiklab sa Tanigue Street, Longos, Malabon nitong Huwebes ng madaling araw.
Umabot lang ang sunog sa unang alarma, kung saan apat na firetrucks ang rumesponde.
Makalipas ang halos tatlong oras, idineklara itong fire out.
Isang two-story house na gawa sa light materials at tinitirhan ng anim na pamilya ang naabo sa sunog.
Ayon kay SF04 Armando Baldillo, Acting Chief Operations ng Bureau of Fire Protection-Malabon, partially damaged din ang apat na bahay na katabi.
Bukod sa walang naisalbang gamit, nawalan ng apat na kamag-anak ang residenteng si Antonio Frias.
“Nagising na lang ako, sumisigaw yung anak ko na si Makoy… sumisigaw siya ‘sunog.’ Akala ko may away. Lumabas na ako doon sa kwarto namin… maliit lang yung kwarto namin at madaling matupok talaga. Tumutulo na yung apoy doon sa lalabasan namin,” sabi ni Frias.
Sa kabuuan, may 11 na pamilya o 41 na indibidwal ang apektado ng sunog.
Pasado 10:00 ng umaga nakuha ng SOCO ang bangkay ng mga nasawi.
Kabilang sa nasawi ang 9-anyos na babae at 38-anyos na person with disability.
“Yung apat na casualties natin kasi naka deep seated yung area nila, nasa likod, back portion sila ng residence nila kaya possibly natrap sila dun sa isang kuwarto, nagsama sama na lang sila dun,” sabi ni SF04 Baldillo.
May isang alagang hayop din na hindi naisalba sa sunog.
Nahirapan ang BFP na apulahin ang apoy dahil makitid ang daan papasok sa compound at maraming nakakalat na kable ng kuryente sa daan.
Patuloy na inaalam ang sanhi at halaga ng pinsala ng sunog.
Muling nagpaalala ang BFP na ugaliing suriin ang lagay ng mga electrical appliance at huwag kalimutang i-unplug ang mga ito pag hindi ginagamit para makaiwas sa sunog.(Beth Samson)