Advertisers
“GINAGAWA lang ng gobyerno ang trabaho nito.” Ito ang maikli at simpleng paliwanag ni PBBM, nang tanungin kung “bakit” siya pumayag na “bitbitin” palabas ng bansa ang ating dating presidente, si FPRRD, upang litisin ng isang ‘international kangaroo court’ sa hinabing kaso na ‘crimes against humanity’ nang sabwatan ng mga puwersa ng Imperyalismo at mga tuta nilang mga lokal na komunista– na parehong hindi “nakaporma” sa termino ni Digong.
Sa ganang atin ay ‘sakto ang paliwanag ni PBBM. Baka akala kasi ng mga Pinoy, ang trabaho lang ng gobyerno ay “arugain” ang kanyang mamamayan, tiyakin na may pagkain sila sa mesa at mayroon silang mga trabaho.
Ngayon, alam na natin na nakahanda ang gobyerno na “tiyakin” na may hustisya sa mga biktima ng karahasan.
At ‘in the name of justice,’ wika nga, sukdulang isantabi ng gobyerno ang ating mga sariling batas at proseso, ang ating dangal bilang nagpoposturang “malayang bansa” at pabayaan ang mga dayuhang Puti na “tangayin” ang sino mang “nakursunadahan” nilang Pilipino para litisin sa lugar at oras na gusto nila at para bigyan ng hustisya ang mga naulilang pamilya ng mga drug lords, drug pushers at mga terorista.
Sa nangyari pa rin kay FPRRD, lumalabas na ang banta ni Donald Trump na papatawan niya ng ‘sanction’ ang sino man na makikipagsabwatan sa ICC ay para lang sa kapakinabangan ni Israel PM Benjamin Netanyahu na may ‘arrest warrant’ din mula sa ICC sa kasong ‘genocide’ ng mga Palestino.
Napatunayan natin ngayon na walang pakialam ang Kano sa ginawa ng gobyerno kay Digong. Napatunayan din natin ngayon na hindi lang Kano, bagkus, ang buong Lahing Puti, ay ating mga “amo.” Ayos!