Advertisers

Advertisers

GONGDI NALANSI

0 393

Advertisers

MAGKALINAWAN LANG: Si Sonny Trillanes ang unang dumulog sa International Criminal Court (ICC). Sa aking unang aklat, “KILL KILL KILL Extrajudicial Killings in the Philippines; Crimes Against Humanity v. Rodrigo Duterte Et Al,” idinetalye namin kung paano hinimok si Trillanes ng isang hindi kinilalang mambabatas mula sa European Union na magsumite ng sakdal sa ICC. Iba ang sitwasyon noong 2016 dahil kauupo lang ni Gongdi at mistula siyang hari na ang gusto’y hindi nababali. Matindi ang kapit niya sa poder.

Dahil kasagsagan ng mga patayan kaugnay sa madugo pero bigong digmaan kontra droga ni Gongdi, maraming mamamayan ang natakot at kasama sa mga natakot ang mga kasamang mambabatas ni Trillanes. Pinag-aralan niya ang mungkahi ng mambabatas mula European Union at positibo ang resulta: maaari niyang ihabla si Gongdi sa ICC. Ngunit kabiguan ang sumalubong kay Trillanes nang banggitin niya sa mga kasamang mambabatas ang panukalang maghabla sa ICC.

Pawang natakot, hindi sumuporta ang mga kasamang mambabatas kay Trillanes. Kinutya siya. “Mapupunta lang iyan sa basurahan ng kasaysayan,” ani Ping Lacson sa mungkahi. “Suntok iyan sa buwan,” ani JV Ejercito. Hindi tumulong ang noo’y bise presidente na si Leni Robredo at tuwirang dumistansya sa initiative ni Trillanes. Tanging ang kasamang si Gary Alejano ng Magdalo Party List ang sumama kay Trillanes sa laban. Sa huli, nagsumite si Trillanes at Alejano ng sakdal noong ika-18 ng Abril, 2017. Sinundan ito ng supplemental information ni Trillanes at Alejano sa sakdal noong ika-4 ng Hunyo, 2017.



Maraming pinagdaan ang sakdal na crimes against humanity Hindi kagyat sumulong. Dumaan sa preliminary investigation kung saan masusing sinuri ng ICC kung may batayan ang sakdal.Dumating ang pandemic at nahinto pansamantala dahil sa global slowdown dala ng pandemya. Muling nabuhay ang sakdal noong 2021 at sumampa ito sa estado ng “formal investigation.” Isa itong kritikal na yugto dahil may kapangyarihan ang ICC na dakpin at ikulong ang akusado upang humarap sa anumang paglilitis.

Tumiwalag noong 2018 ang Filipinas sa Rome Statute, ang tratadong ng maraming bansa na lumikha sa ICC at nagkabisa ang pagtiwalag nong 2019. Tanging si Gongdi ang nagdesisyon sa pagtiwalag na ipinayo ng mga pipitsugin at patapon na abogado tulad ni Harry Roque at Sal Panelo. Kinilala ng Korte Suprema ang kapangyarihan ni Gongdi bilang pangulo upang pangunahan ang pagtiwalag.

Ngunit hindi ito nangangahulugan na walang pananagutan si Gongdi sa mga nangyaring patayan noong kasaping bansa ang Filipinas ng ICC. Ito ang hindi maunawaan ng kampo ni Gongdi. Hindi nila binasa ng buo ang desisyon ng Korte Suprema na nag-uutos sa gobyerno ni BBM na kilalanin ang pananagutan ng Filipinas noong kasaping bansa ito sa ICC.

Dalawang beses na umapela ang gobyerno ng Filipinas upang ipagpaliban ng ICC ang formal investigation at parehong tinutulan ng ICC ang dalawang apela. Hindi na nagsumite ng pangatlong apela ang gobyerno sa pangamba na pagtatawanan ito sa international community. Hindi nagpakita ng walang katwiran na tuwa si Trillanes at Alejano, ngunit buong kababaang-loob na tinanggap ang pasya ng ICC na dakpin si Gongdi.

***



SA PANAYAM ni Christian Esguerra sa programang Facts First,” inamin ni Trillanes na nalansi si Gongdi ng ICC nang hindi agad inilabas ang balita na may arrest warrant na siya. Wala kahit anumang balita na may arrest warrant. Ito ang dahilan upang magkumpiyansa si Gongdi at bumalik sa Filipinas pagkatapos ng kanyang pagharap sa mga OFW sa Hong Kong.

Hindi alam ni Gongdi na may bitag na inilatag ang magkakasamang puwersa ng International Police (Interpol) at PNP. Halatang hindi sila nakapaghanda at fake news ang tingin nila sa mga balitang mayroon arrest warrant na inilabas ang ICC. Nauna dito, isinumite ng ICC ang arrest warrant sa Interpol na sumangguni sa PNP sa gagawin. Nagmobilisa ang PNP ng mga pulis na dumakip kay Gongdi sa sandaling lumapag ang eroplano niya sa NAIA mula Hong Kong.

Paglapag ng eroplano nina Gongdi sa paliparan, kagyat hinuli si Gongdi, dinala sa Villamor Air Base at binasahan ng Miranda Rights. Handa ang pinagsamang puwersa ng Interpol at PNP sa kanilang misyon. Handang handa si Brig. Gen. Torre, ang hepe ng CIDG, upang ipatupad ang pagdakip at ilipad siya sa The Hague. Kasaysayan na ang sumunod na pangyayari.

***

MGA PILING SALITA: “”Ngayong araw, natibag ang unang bloke sa kahariang ginawa ni duterte. Masalimuot ang landas tungong hustisya, ngunit sa dulo, lagi’t lagi itong mararating. Gaya ngayong araw, nabuksan ang sugat ng lahat ng pinahamak, pinatayan, sinupil, at ginipit. Nakakapagod, ngunit ganoon lamang talaga iyon. Ilang taon ang ating nilaan para makita ang unang pagbagsak. Bukas, sisimulan natin ang tuluyang pagpapaguho ng inhustisya.” – Leila de Lima

“When a person is arrested under a warrant of arrest from the ICC, he should be turned over to law enforcement officer of a member state, and is to be flown to The Hague, The Netherlands ASAP.” – Atty. Kristine Conti, NUPL