Advertisers
DALAWANG buwan nalang pipili na ang mga botante sa May 12, 2025 ng mga bagong lider para sa nasyunal at lokal na posisyon lalo na sa lalawigan ng Bulacan at base sa ating obserbasyon ay tila kakain ng alikabok ang sinomang makakatunggali ng magka-tandem na sina Governor Daniel R. Fernando at Vice Governor Alexis A. Castro.
Bakit ko nasabi, kasi kahit saang sulok ng 24 bayan/siyudad sa lalawigan ng Bulacan ay angat at nangingibabaw parin ang pangalan nina Fernando at Castro dahil sa kanilang angking karisma na bagamat isinantabi na nila ang pag-aartista para pagtuunan ang pagiging public servant ay meron paring mga taong pilit silang ginigiba at pilit pinaghihiwalay na lalong nagpatibay sa tambalan nila.
Matatandaang napabalitang hiwalay na di-umano ang magka-tandem na kapwa itinanggi at pinagtatawanan lamang ng dalawa ang mga kumakalat na balita, anila lahat ng ’yan ay gawa-gawa lamang at imbento ng mga taong walang magawa sa buhay at inggit.
Sa kabila nito, saksi ang BALYADOR at ang mamamayang Bulakenyo sa pagpapanatili ng kanilang samahan lalo na ang walang humpay na serbisyo publiko sa lalawigan.
Magkatuwang ang magka-tandem sa mga isinusulong na programa para sa kapakinabangan ng mamamayang Bulakenyo, gaya ng Kapitolyo sa Barangay, Damayang Filipino (DF) at Vice Governor Action Center na matatagpuan sa bayan ng Santa Maria na may Satellite Office sa bayan ng Marilao na mailapit sa mamamayan ang tulong at serbisyong medical maging ang mga proyekto mula sa inisyatibo ng nasyunal na ibinababa sa Bulacan sa pamamagitan ng matiyaga na pakikipag-ugnayan at pakikiisa ng mga kasangguni nito.
Ang paghirang noon kay Vice Gov Castro bilang pangalawang Ama ng lalawigan ay hindi nasayang sapagkat sa loob lamang ng tatlong taon nitong paglilingkod sa lalawigan ay nagpamalas ito ng kanyang kahusayan pagdating sa paglilingkod maging sa pagpapatibay ng mga batas bilang isang legislator.
DAMAYANG FILIPINO 17-TAON NG WALANG HUMPAY NA NAGSE-SERBISYO
Samantala para naman sa kabatiran ng lahat ang DAMAYANG FILIPINO MOVEMENT INC. “DFMI” ay itinatag noong 2008 ng nooy Board Member, Vice Governor na ngayon ay Bulacan Governor Daniel R. Fernando na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy itong nagbibigay ng serbisyo sa mga mahihirap na mamamayan sa lalawigan ng Bulacan gaya ng medical mission, training program, feeding program, libreng medical check up, libreng gamut, libreng nebulizer, libreng BP apparatus, libreng masahe, libreng gupit, libreng pustiso, burial, tulong pinansiyal at marami pang iba.
Mahigit labing pitong taong (17) walang humpay na nagse-serbisyo ang DAMAYANG FILIPINO MOVEMENT INC. (DFMI) sa pangunguna ng Chairwoman Athenie “Ate Tenie” R. Bautista, division head ng medical (constituents) ng Pamahalaang Panlalawigan na kaagapay ni Gov. Fernando sa serbisyo publiko.
Ang Damayang Filipino Movement Inc. (DFMI) ay non-government organization na dumadamay sa mga mahihirap na mamamayan sa lalawigan, at para mas mapalawak ang serbisyo nito ay lumahok ito sa 2025 midterm election bilang Damayang Filipino (DF) Party-list #76 sa balota.
Sa totoo lang, kung serbisyo-publiko ang pag-uusapan ay talo pa ng Damayang Filipino (DF) ang mga party-list na may mga opisina sa Kongreso kasi ang tagal na nitong nagse-serbisyo sa mamamayan, higit 17 years na, at ‘yung mga party-list na iniluklok ng mga botante noong 2022 election ay hindi ramdam ng publiko ang serbisyo.
Ayon kay Gov. Fernando ang Damayang Filipino Movement Inc. ay muli niyang inistablis, na walang planong gawing party-list, subalit sa dami umano ng mga nangangailangan ng tulong araw-araw sa Kapitolyo, ay nagdesisyon siyang gawing party-list ang nasabing non- government organization (NGO), para maging malawak at magkaroon ng ‘level up’ ang serbisyo nito. Mismo!
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.