Kaugnay sa pagbagsak ng Cabagan Sta Maria Bridge, Designer, Contractor at DPWH Officials Dapat na Makulong – Rep. Tulfo!
Advertisers
“Malinaw pa sa sikat ng araw na tinipid ang pagkakagawa ng bumagsak na Cabagan-Sta Maria Bridge sa Isabela para may kumita ng limpak-limpak na salapi!”
Ito ang naging pahayag ni ACT-CIS Partylist Representative Erwin Tulfo sa isang panayam sa radyo kung may nakikita siyang korapsyon sa nangyari sa tulay na bumagsak noong Pebrero 27.
Ayon kay Cong. Tulfo, “bakit ka gagawa ng tulay sa probinsya na para sa light vehicles lang? It does not make sense!”.
“Kung mali naman ang design, bakit nakalusot sa mga engineers ng DPWH (Department of Public Works and Highways)?” tanong ng mambabatas.
“Ikulong ang mga may pananagutan sa pagkasira ng nasabing tulay para magtanda at hindi na pamarisan,” dagdag pa ni Tulfo.
Aniya, “mantakin mo, higit P1 bilyon na pera ng bayan ang nasayang lang…tinipid ang pagkagawa niyan para malaki ang kickback ng mga korap at kawatan.”
“Ang nakakainis pa rito, mali na pala ang disenyo e, bakit hindi ipinahinto ng
DPWH sa kontraktor ang paggawa ng tulay?” tanong ng mambabatas.
“Natapalan siguro ng contractor ng salapi ang mata ng mga inspectors at supervisors ng DPWH sa lugar na yun kaya lumusot sa government standards ang depektibong tulay.” pagtatapos na pahayag ni Senatorial Aspirant Rep. Tulfo. (Cesar Barquilla)