ANG LUGAR NG KABABAIHAN AY NASA LAHAT NG ANTAS NG PAMAMAHALA
Akbayan Partylist Pre-International Women’s Day Statement
Advertisers
Malayo na ang narating ng laban ng kababaihang Pilipino para sa karapatan at pagkakapantay-pantay. Ang tagumpay ng Reproductive Health (RH) Law, Safe Spaces Act, at Expanded Maternity Leave Law ay bunga ng tapang at determinasyon ng mga lider kababaihan na walang pagod na kumilos sa loob ng Kongreso at Senado, at sa parliyamento ng lansangan. Patunay ito na kapag may representasyon ang kababaihan, may tunay na pagbabago.
Ngunit hindi pa tapos ang laban. Sa kabila ng ating mga tagumpay, marami pang hamon ang kailangang harapin. Marami pang batas at polisiya ang kailangang ipanalo upang masiguro ang isang lipunang pantay at makatarungan para sa lahat.
Isang araw bago ang selebrasyon ng International Women’s Day, nananawagan ang Akbayan Partylist para sa mas malawak na representasyon ng kababaihan sa lahat ng antas ng pamamahala. Kailangang baguhin ang mga tradisyunal na istruktura ng pagpapasya upang masigurong ang boses ng kababaihan ay maririnig sa bawat mesa ng diskusyon at pagdedesisyon.
Sa kanilang liderato, maitataguyod ang isang pamahalaang makatao, patas, at higit sa lahat, makababae. A-Akbayan natin ang kababaihang Pilipino tungo sa isang lipunang pantay, ligtas, mapagkalinga, at mapagmahal.
Sa darating na halalan, mahalagang kilalanin ang kritikal na papel ng kababaihan hindi lamang bilang mga botante kundi bilang mga lider at tagapagtaguyod ng pagbabago. Napatunayan na ng kasaysayan na ang mga lider kababaihan ay nangunguna sa pagpapatibay ng mga batas na nagpoprotekta sa mahihirap, manggagawa, at iba pang sektor ng lipunan.
Hindi natin maaaring ipagkatiwala ang ating kinabukasan sa mga kontra-kababaihang politiko—ang mga lumalapastangan sa dignidad ng kababaihan, nagbibingi-bingihan sa kanilang panawagan, at nagbabalewala sa kanilang mga karapatan. Hindi tayo dapat magpasilaw sa matatamis na pangako ng mga pulitikong ito.
Ang lugar ng kababaihan ay nasa lahat ng antas ng pagpapasya. Kaya sa darating na halalan, piliin at akbayan natin ang ating mga kakampi, hindi ang mga kaaway ng kababaihan. Dahil kapag mahal mo ang mga kababaihan, Akbayan mo!