Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
WALANG pakialam si Cris Villanueva kung may mga baguhan mang artista na hindi siya kilala o hindi siya pinapansin.
“Hindi ko na iniintindi yung ganun,” bulalas ng aktor.
“Basta ako feeling ko, pagka hindi nila ako nakikilala, okay lang.
“Kasi naaalala ko nung baguhan din ako, talagang pinipilit kong alalahanin yung mga mas beterano, para hindi ako masabihan ng ganun at napaka-stressful din nun, di ba?
“Parang kung minsan talagang hindi mo na sila napapanood, nagbalik galing sa ibang bansa tapos biglang sumalang, yun pala beterano pala, so nakaka-stress din.
“So hindi ko na binibigyan ng problema yung mga young stars natin, na parang hindi nila ako nakikilala, okay lang.
“I mean, you know, sa akin kasi marami na rin namang siyempre talagang bagung-bagong or yung mga hindi talaga nanonood, biglang naging artista, hindi inabutan ang That’s Entertainment, hindi naman nanonood ng mga palabas ko, so okay lang.”
Noong kabataan niya noong ‘80s ay miyembro si Cris ng sikat na teen-oriented show na That’s Entertainment ng yumaong Master Showman na si German “Kuya Germs” Moreno.
Sa ngayon ay kasali si Cris sa GMA series na Binibining Marikit kung saan tatay siya ni Herlene Budol na bida sa naturang programa kasama ang iba pang new generation stars tulad nina Tony Labrusca, Thea Tolentino, Ashley Rivera, Jeff Moses, Migs Almendras at ang male pageant winner-turned Sparkle artist na si Kevin Dassom.
Bago ang Binibining Marikit ay nag-cameo si Cris sa Mga Batang Riles sa isang episode at sa regular show naman ay sa Makiling.
Ang Makiling nina Elle Villanueva at Derrick Monasterio ay umere sa GMA nitong 2024; isa itong heavy suspense/drama series.
Ngayon naman ay very light na romantic/comedy ang Binibining Marikit.
Kaya malaki ang pagkakaiba ng papel ni Cris sa dalawang serye.
“Ayun nga, doon kasi…tama ka, heavy yun e, yung Makiling talagang seryoso, walang nagpapatawa.
“Dito kasi nagagamit namin yung relasyon namin… Halimbawa, yung paano namin atakihin yung pagiging mag-ama, yung paano kami nagkakilala sa set, nagagamit namin yun.
“Sa Makiling, parang napaka-straight nung ano, you have to follow the script, kahit na ang direktor dun na si direk Rado [Peru] na kaibigan naman din namin, parang… rerespetuhin mo yung script kasi talagang seryoso siya, so ito medyo light siya.
“So nagagamit namin yung… iyon nga, kung ano yung meron kami outside of the set.”
Freelancer si Cris at hindi nakakontrata sa kahit na anong TV network.