NTF-ELCAC Pinupuri ang COMELEC Resolution 11116 Ngunit Nagbabala sa Posibleng Pang-aabuso ng CTG Fronts
Advertisers
Pinagtitibay ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang respeto nito sa COMELEC bilang isang mahalagang institusyon sa demokratikong proseso ng bansa. Habang pinupuri ng task force ang paglalabas ng Resolution 11116, nananawagan ito sa COMELEC na makipagdayalogo at pag-aralan ang ilang probisyong maaaring maabuso upang pahinain ang whole-of-nation approach sa pagtatapos ng communist insurgency.
“Tinitingnan namin ang COMELEC bilang isang kailangang-kailangang katuwang sa ating sama-samang layunin ng pangmatagalang kapayapaan. Hindi kami kalaban ng COMELEC, kundi nagsusulong lamang ng makatwirang mungkahi sa isang napakahalagang isyu na may kaugnayan sa laban kontra CPP-NPA-NDF,” ayon kay Atty. James Clifford Santos, tagapagsalita ng Legal Cooperation Cluster (LCC) ng NTF-ELCAC.
Kinilala ng NTF-ELCAC ang mabuting layunin ng Resolution 11116, na naglalayong tiyakin ang patas at hindi diskriminasyong eleksyon. Gayunpaman, hinihiling ng task force ang mga paglilinaw at posibleng pagbabago sa ilang probisyon upang maiwasan ang pang-aabuso na maaaring pumigil sa malayang pamamahayag at magdulot ng panganib sa pambansang seguridad.
Sa ginanap na FAQ Check press conference noong Huwebes (How CTG Fronts Weaponize COMELEC Resolution 11116 vs. Govt), binigyang-diin ni Atty. Santos ang kanyang pagkabahala sa “labeling” provision sa Section 2, na maaaring maging hadlang sa pagsisiwalat ng mga mapanlinlang na recruitment tactics ng CPP-NPA-NDF.
“Nababahala kami sa resolusyong ito, lalo na sa Section 2, dahil maaaring magkaroon ito ng chilling effect sa konstitusyonal na kalayaan ng ating mga mamamayan—isang kalayaang dapat nilang nagagamit, lalo na sa mahahalagang panahon tulad ng eleksyon,” ani ni Atty. Santos.
“Kapag may halalan, malaki ang epekto nito sa kapalaran ng ating bansa dahil dito nagmumula ang pagpili ng ating mga pinuno. Kaya kung mapipigilan ang ating mga kababayan sa pagsasabi ng katotohanan tungkol sa panlilinlang at koneksyon ng isang tao sa CPP-NPA, hindi ito makakabuti sa ating hinaharap,” dagdag pa niya.
Hinihiling ng LCC ang paglilinaw sa penalisasyon ng “labeling” sa resolusyon, dahil maaaring mapalakas nito ang propaganda ng mga komunista, gayong hindi naman isang statutory offense ang red-tagging at maaari nitong labagin ang kalayaan sa pamamahayag.
Binigyang-linaw din ni Atty. Santos na ang gobyerno ay hindi nakikilahok sa red-tagging, isang terminong itinaguyod ng CPP-NPA-NDF upang siraan ang mga lehitimong aksyon ng estado. Binigyang-diin niya na ang pagtukoy sa mga indibidwal at organisasyong may koneksyon sa CPP-NPA-NDF ay nakabatay sa intelligence at ebidensya upang protektahan ang mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan at Indigenous Peoples, mula sa panlilinlang ng mga komunista.
Nagpahayag din ng pangamba ang mga dating rebelde na maaaring gamitin ng mga communist front organizations ang ilang probisyon ng resolusyon upang patahimikin ang oposisyon at manipulahin ang pampublikong diskurso.
Ayon kay Arian Jane Ramos, dating tagapangulo ng Gabriela Youth UP Mindanao at kasalukuyang lider ng Kalinaw Southeastern Mindanao Region (SEMR), maaaring maging panangga ng mga organisasyong konektado sa CPP-NPA ang malawak na depinisyon ng “labeling” upang maiwasan ang masusing pagsisiyasat habang nililimitahan ang lehitimong pampublikong diskurso.
“Ang resolusyong ito ay nagdadala ng malaking panganib sa pagiging patas at integridad ng nalalapit na eleksyon, dahil maaaring payagan nito ang mga grupo tulad ng Makabayan 2025 na hubugin ang opinyon ng publiko sa paraang makakahadlang sa counterinsurgency efforts ng gobyerno,” babala ni Ramos.
Idiniin din niya na nararapat lamang na magkaroon ng access ang mga Pilipino sa makatotohanang impormasyon upang makapili nang tama sa eleksyon.
Noong Pebrero 27, SEMR, Advocates for Clean Elections (ACE), at Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC) ay nagsumite ng isang position paper na humihiling ng mga pagbabago sa Section 2(j). Kabilang sa kanilang mga mungkahi ang mas matibay na fact-checking mechanisms at isang mas malinaw na grievance process upang maiwasan ang maling paggamit ng resolusyon bilang proteksyon sa CPP-NPA habang pinapanatili ang patas na eleksyon.