Advertisers
NAGTIPUN-TIPON ang iba’t ibang public transport group at private transport industry upang hilingin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspindehin ang napipintong pagtaas ng toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX).
Sa isang pulong balitaan, iginiit ng mga lider ng public transport na dapat na magkaroon muna ng masusing konsultasyon sa mga gumagamit ng nabanggit na mga expressway.
Ayon sa grupong Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) at Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP), sa halip na taas singil sa toll fee, dapat umanong magpatupad ng mga pagbabago sa mga patakaran sa expressway upang hindi maantala ang mga biyahe.
Iminungkahi ng grupo na maglagay ng special lane sa NLEX at SLEX.
Dapat din umanong isaayos ng service contractor ng SLEX at NLEX ang kanilang mga card reader machine na madalas na dahilan ng pagkakaantala sa biyahe.
Inihihirit din ng grupo na magbigay ng discount sa lahat ng mga public transport service, gaya ng bus, jeep at AUVs.