Advertisers
SOBRA ang lakas ng loob ng ilegalistang si alyas Ka Mundo sa pag-ooperate ng kanyang permanenteng pasugalan na kung tawagin ay “puesto pijo”. Isa si Ka Mundo sa dalawang gambling operator na “untouchable” ang operasyon ng animoy casino sa lalawigan ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas.
Nasa pusod ng bayan ni San Pascual Mayor Antonio Dimayuga ang mga pasugalan ng ilegal na card at table games tulad ng color games, sakla, beto-beto at maging ng madayang didal. Nasa “ibabaw lamang ng tungki ng ilong” ni San Pascual Police Chief Major Ricky Fornolles ang naturang gambling con drug den ngunit nganga, dedma lang ang kapulisan sa mala casino na gambling den na mayroon pang shabuhan.
Halos 24/7 ang gambling con drug den ni Ka Mundo na pinaniniwalaang protektado ng hindi lamang ilang pangkaraniwang pulis, barangay official at barangay tanod, kundi ng mga bigating pulitiko at high ranking police official sa Region 4A.
May katwiran namang bumilib ang mga taga San Pascual, mga sugarol at drug addict na nagmumula pa sa mga kanugnog na bayan ng Bauan, Mabini hanggang sa Batangas City na protektado ang puesto pijo ni Ka Mundo, pagkat kung kailan nagkakalakasan ang tayaan sa mga gambling con drug den ay saka naman nakikita ang ilang unipormadong pulis at Brgy. Tanod na nakatambay sa pasugalan.
May mobile patrol car pa na nakikitang nagpapabalik-balik at pumaparada sa gilid ng highway sa harap ng Waltermart sa Brgy. San Antonio na mag-iisang taon nang walang takot na may pasugal.
Sa dakong likuran ng nakahilerang lamesa ng illegal card games ay naroon ang kubol kung saan nagbebenta ng tingi-tingi at nakabilot sa aluminum foil na shabu ang dalawang tauhan ni Ka Mundo. Libre na ang lighter at aluminum foil na gagamitin kung nais ng drug addict na makipag jamming sa kanilang kapwa drug addict.
Ang nakakagulat na ulat na nakarating mula sa ating KASIKRETA ay hindi lamang pala ang pangalan nina Police Chief Major Fornolles, Batangas CIDG Provincial Officer Lt Col. Jake Barila, Batangas PNP OIC Provincial Director Col. Jacinto Malinao Jr. at Mayor Dimayuga ang ipinangangalandakan ni Ka Mundo na kanyang “pamato.”
Kahit na may atas pa sina PNP Chief Marbil at CIDSG Director Torre III na ipatupad ang “No Take Policy” ay largado ang naturang pasugalan at drug den dahil pati na ang pangalan ni 2nd District Congresswoman Luistro ay ginagasgas din ng salot na si Ka Mundo.
Nagpapakilala pa na political leader at campaign coordinator si Ka Mundo ni Rep. Luistro sa mga bayan ng San Pascual at Bauan na parehong saklaw ng distrito ng butihing Kongresista na napabantog sa husay at namumukod tanging miyembro ng Quad Com., ang komitiba sa Kamara na nag-iimbestiga sa mga naganap na anomalya, malawakang korapsyon at mass killing gamit ang moro-moro na “War on Drugs” sa panahon ng Administrasyon ni Digong nyo?
Kung tutuusin, personalmente na hindi natin pinaniniwalaan ang pinagtahi-tahi at imbentong alegasyon ni Ka Mundo, gayunman ay makabubuting agarang aksyunann na ang mga kabalbalan ng naturang gambling/drug lord na patuloy na namamayagpag ang operasyon ng bawal na pasugal at bentahan ng shabu sa kabila ng mahigpit na “No Take Policy” na paulit-ulit na ibinabando ng PNP hierarchy!
Maliban sa puesto pijo ni Ka Mundo sa bayan ng San Pascual ay may isa pang kalokohang permanenteng pasugalan na may shabuhan sa tabi lamang ng Lian Public Market sa bayan ni Mayor Joseph Piji.
Pakilala ng magkakasosyong gambling drug operator ay mga kapanalig sila sa pulitika ng re-eleksyonistang mayor at 1st District Congressman Eric Buhain? Ang isa pa sa gambling/drug maintainer ay nagpapakilala ding dating kumander ng New People’s Army, kaya marahil nangangatog ang tuhod ng kapulisan at hepe ng Lian na tibagin ang operasyon ng naturang drug/gambling.
***
Para sa komento: Cp.No. 0966 406 6144