Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
INAMIN ng dating aktres na si Katherine Luna sa panayam sa kanya ni Julius Babao na napapanood ngayon sa kanyang YouTube channel, na nawalan siya ng confidence sa sarili kaya iniwan niya ang mundo ng showbiz.
Kuwento ni Katherine, taong 2015 nang isilang niya ang ikaanim na anak at hiniram ng dating live-in partner hanggang sa ayaw na sa kanyang ibalik ang bata.
Dahil dito, halos araw-araw daw siyang umiiyak na naging sanhi ng problema sa isa niyang mata. Ito ang dahilan kung bakit nakatakip ang kanyang buhok sa kalahati ng kanyang mukha.
“Nagkasakit po ako. Nagkaproblema yung kabilang mata ko. Siyempre, nawalan ako ng tiwala sa sarili ko. Nahiya ako. Tapos nalinya na ako sa bisyo.
“Parang yun na lang kakapitan mo, du’n ka na lang kumukuha ng lakas ng loob, kapal ng mukha para humarap sa mga tao. Una, patikim-tikim. Hanggang sa wala, naligaw ka na,” rebelasyon ng dating aktres.
***
PARA kay Mark Herras ba ang latest single ni Jojo Mendrez na Nandito Lang Ako, mula sa Star Music, na sinulat ni Jonathan Manalo?
Ang lyrics kasi ng song ay parang intended talaga para kay Mark.
May letter kasing ginawa si Jojo para sa aktor na ang tawag niya ay Bebe.
Mababasa sa nilalaman ng sulat ang: “Please ‘wag ka ng magsayaw sa gay bar hindi kasi maganda para sa yo. Take care always. Nandito lang ako.”
Kapansin-pansin na ang mga katagang Nandito lang ako ay yun ngang title ng latest single ni Jojo.
At bahagi ng lyrics ng song ay ‘Nandito Lang Ako, di kita iiwan. Nandito lang ako di ka pababayaan.”
O di ba, parang ang ibig sabihin ni Jojo kay Mark sa kanyang letter, ay nandito lang siya para kay Mark at hindi niya ito iiwan at pababayaan kung titigil na ito sa pagsasayaw sa gay bar?
Sabi ni Jojo sa nakaraan niyang mediacon, nang tanungin kung may something sa kanila ni Mark, ang sagot niya, kung sasabihin daw niya na wala, walang maniniwala. Kung sasabihin naman niyang meron, wala rin namang maniniwala. So saan daw siya lalagay?
So,bahala na lang ang mga tao ang mag- isip kung may relasyon ba talaga sila ni Mark o wala di ba?
Samantala, ang ni-revive ni Jojo na kanta ng namayapang aktres na si Julie Vega na Somewhere In My Past, ay naka-50 million collective views na sa social media as of this writing.Talagang karapat dapat lang si Jojo sa tawag na Revival King.
Ang isa pa sa ni-revive na kanta ni Jojo ay yung Handog, na ang original na kumanta ay si Florante. Ang nasabing awitin ay tinanghal na Revival Song of the Year sa Star Awards For Music noong 2018.