Advertisers
KINAKATAY ng Sunwest Construction na pag-aari ni ‘Ako Bicol Partylist’ Representative Zaldy Co ang mga kabukiran at beaches sa Romblon province, partikular sa isla ng Tablas.
Halos hiniwa-hiwa na nito ang kabundukan sa paglalagay ng mga kalsada na karamihan ay hindi madaanan dahil sa sobrang taas at ang iba ay putol, deadend.
Naging dahilan din ito ng pagkasira ng mga sapa. Dahil ang lupa na dinaanan ng bulldozer ay inanod ng tubig pababa at tumambak sa mga sapa. Kaya pag umulan ng malakas naghahanap ng madaanan ang baha. Resulta: Lubog ang kabayanan. Mismo!
Ngayon, ang winawasak naman ng Sunwest ay ang beaches sa Carabao Island o San Jose town na kilala sa dating tawag na “Hambil” sa Tablas island.
Ang Carabao island ay kalahating oras ng motorbanca mula sa bayan ng Sta. Fe, at higit isang oras patungong Boracay island sa Malay, Aklan.
Ang Carabao island na kulang 5,000 ang voting population, ay tinuturing na little Boracay ngayon. Paboritong destinasyon na ito ng mga turista dahil sa mapino at puting buhangin at maraming diving sites tulad ng sa Boracay.
Inirereklamo ngayon ng mga residente ng Carabao island ang pagsulpot sa kanilang lugar ng heavy equipments ng Sunwest at paglagay ng mga ito ng barrier na bakal sa baybayin, lalagyan daw ng beach wall.
Ang project ay nagkakahalaga raw ng halos P100 million.
Dinenay ito ng Department of Tourism. Wala raw silang inaprubahang ganung proyekto. Tutol sila sa beach wall. Makasisira kasi ito sa natural beauty ng beach na siyang dinadayo ng mga turista, lokal man o banyaga.
Maging ang Dept. of Enviroment and Natural Resources (DENR) ay umalma sa pagwasak ng Sunwest sa beaches na ito ng Carabao island.
Ang District Engineer ng Romblon ay hindi naman mahagilap para makunan ng komento.
Pero ayon sa alkalde ng Carabao island na si Samson, ang proyekto ay sa DoT. Nanggaling narin aniya dito ang DENR. Mga anti-Samson lang aniya ang kontra sa naturang proyekto, mga ayaw sa progreso na kontra sa kanyang mga programa.
Sa post sa Facebook ni Wilson Fortaleza, isang aktibista na tagapagtanggol ng mga manggagawa at tubong Odiongan, Romblon: “Amoypaskorakot ang dalampasigan ng aming carabao island. Ang sabi ni Guyito ay galit ang Pangulo sa korapsyon at si Mark Villar, ayon sa Pangulo, ay hindi naman magnanakaw. Ang tanong ay may magaganap bang imbestigasyon sa aming lalawigan dahil bukod dito ay marami pang proyektong dapat matingnan. At bakit kaya naging favorite place ng Sunwest ang aming lalawigan?”
Ang Sunwest Construction ay nakarating sa Romblon dahil kay yumaong District Engineer “Didoy” Perez, ang bespren na sa huli ay naging mortal na kagalit ng trapo na si Cong. “Budoy” Madrona, ang hari ng mga “tiwaling” politiko sa Romblon.
Si Perez ang nagpakilala ng Sunwest kay Madrona. Dati silang partner sa shipping business, MVRS, na nakarma. Bumagsak!
Sinasabing ang Sunwest ang “financier” ni Madrona tuwing eleksyon. Kaya lahat ng road projects pati beach wall at flood control sa buong lalawigan ay inia-award sa Sunwest.
Muntik rin nga nilang sinira ang Mt. Guiting Guiting sa Sibu-yan. Umalma lang ang mga enviromentalist at mga residente.
Sabi ng netizens, sana mapaimbestigahan ni Pangulong Duterte kay Sec. Villar ang mga depektibong proyekto sa Romblon at ma-lifestyle check ang District Engineer ng lalawigan. Mismo!
Ang problema: Kapartido ng mga magulang ni Sec. Villar si Madrona sa Nationalista.
Pero kilalang political butterfly si Madrona. Lumilipat ito ng partido kung sino ang nasa poder. Trapo nga!