Advertisers
BUMULAGTA ang campaign manager ng isang kandidato sa pagka-mayor ng Tandubas sa Tawi-Tawi nang ratratin ng M16 rifle, Biyernes ng hapon, February 28, 2025.
Kinilala ang napaslang na si Habib Jamir, campaign manager ni Rhomar Matolo, kandidato sa pagka-mayor ng Tandubas, isang island municipality sa Tawi-Tawi, kaugnay ng nalalapit ng May 2025 elections.
Kapatid ni Matolo ang kasalukuyang three-termer mayor ng Sapa-Sapa sa Tawi-Tawi, si Rhodesia Matolo-Sali, na kabiyak ni reelectionist Tawi-Tawi governor Ysmael Sali.
Sa ulat ng Tawi-Tawi Provincial Police Office kay Brigadier Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nakatayo sa isang mataong lugar sa Barangay Himba sa Tandubas si Jamir nang lapitan ng isang lalaking may bitbit na M16 assault rifles at paputukan ng ilang ulit.
Mabilis ng tumakas ang salarin ng nakahandusay na si Jamir, tadtad ng bala.
Para sa pamilyang Matolo at mga kamag-anak ni Jamir, may kinalaman sa napipintong May 25, 2025 elections ang pagpatay sa kanya sa harap ng maraming tao.