Advertisers
SA pagkakatatag ng Philippine National Police (PNP) noong 29 January 1991, bilang kapalit sa binuwag na PC-INP sa bisa ng RA 6975, binigyan ng bagong imahe ang pulisya bilang isang professional police organization. Maganda ang layunin, maging ang pagtanggap dito ni Juan Pasan Krus dahil sa paglayo nito sa imahe ng marahas na tagapamayapa sa ilalim ng batas militar ng nakaraang diktadurya.
Malaki ang inaasahan at pag-asa na sa RA 6975 na inamyendahan ng RA 8551 at ng RA 9768 na magiging mahusay ang panuntunan sa mga ibig pumasok sa pulisya. Matindi ang pagkakamada ng batas na ito dahil ang haligi ng pagkakatatag ang masasabi nating patungo sa maayos na organisasyon ng professional na pulisya na may katangian na hindi mapapasubalian. Napakaganda.
Mula sa marahas na pamahalaan ng diktadurya, maitutuwid ang maraming kamaliang umiral sa bansa sa pagpapalit imahe at pangalan ng ating kapulisan. Batid ni Mang Juan ang pang-aabuso sa pagpapatupad ng batas sa bansa ng mga unipormadong tauhan nito. Sa bagong batas ng PNP malinaw na nailatag dito ang haligi ng PNP na may tamang pundasyon sa pag-aayos ng mga tauhan nito na naka sentro sa paglago ng kaalaman, kagalingan at apak sa pamayanan. Sa haliging ito na susundan at susundin ng kapulisan, masasabi na magiging maayos ang kalagayan na tatahakin nito.
Walang pag-aagamagam na magiging katuwang ni Mang Juan Pasan Krus si Mamang Pulis sa pagbuo ng ligtas na pamayanan. Idagdag pa ang core values na serbisyo, karangalan, at hustisya at maging ang mottong makadiyos, makabayan, makatao at makakalikasan. Halos tiniyak na ng mga gumawa ng batas na magiging malapit ang ating mga kapulisan kay Mang Juan.
Sa bagong imahe na ibig ipakita ng PNP tila walang inaasahan na problema sa mga kasapian nito dahil sa mga panuntunan na inilatag. Dagdag pa ang pagtatalaga ng mga kinauukulang mga safeguards upang matiyak na walang paglabag na magaganap. Itinaas ang kalidad ng mga pumapasok dito sa pagtaas ng educational requirements sa mga magpupulis. Ngunit sa takbo ng mga pangyayari, tila lumiko ng landas ang ating kapulisan sa pagpapatupad ng kapayapaan at kaayusan. Maraming mga paglabag sa panuntunan ang mga tauhan nito. Saan nagkamali, sa sistema ng recruitment o sa pamunuan, saan? Sa dokumento lang ba ang lahat na pagbabago, o’ may hindi sumunod sa panuntunan lalo sa pagkalap ng gustong mag pulis na dumaan sa palakasan at padrino system?
Silipin natin ang ilang mga kaganapan na lubhang nakakabahala at taliwas sa haligi at motto na ibig makamit ng PNP para sa susunod na dekada. Sa nakaraang mga buwan, laging nasa unahan ng balita ang mga pangyayari na kasangkot ang ating kapulisan. Nariyan ang dating sundalo na binaril sa quarantine check point dahil sa kakaibang kilos nito. At saka na lang nalaman na may problema ito sa pag-iisip, “war shock” dahil sa pag ganap sa kanyang tungkulin para sa bayan. Taliwas ang kinilos ng kapulisan sa insidenteng ito na nagresulta sa pagkamatay nito. Walang magawa ang mga testigo kahit mayroong nagsasabi na huwag patulan ito dahil sa katayuan ng pag-iisip. Di ba’t taliwas ito sa motto ng PNP na tagapagligtas o pinalitan na ito na tagapatay?
Pangalawa, ang Sulu masaker na kung saan niratrat ng mga tauhan ng pulis ang grupo ng mga sundalo sa ‘di malinaw na dahilan. Ang mga sundalo’y kasapi ng mga intelligence group na bumubuntot sa terrorist group na ibig maghasik ng kaguluhan sa bansa. Sa hindi malamang dahilan o kulang sa pagsasanay ng paghawak o pagbasa ng sitwasyon walang kaabog-abog na pinutukan ang mga ito at nag resulta sa kamatayan ng mga sundalong nasa tawag ng tungkulin. Nasaan na naman ang tagapagligtas at makadiyos sa pangyayari dito? Ano ang masasabi mo CS?
Pangatlo, narito ang pinakamalungkot na kaganapan kung saan ang mag-ina na binaril ng ilang ulit ng pulis na kanilang naka argumento dahil sa ingay sa paputok. Tila naabala ang mamang pulis sa ingay ng paputok at nilusob ang mga ito. Dahil sa pagkakasanga-sanga ng usapin tila nagkasuyaan, at walang kaabog-abog na binaril ng pulis ang mag-ina. At parang kung ano lang ang binaril ng pulis na walang pag-sisisi sa nagawa ng umalis ito sa lugar ng insidente. Ito ba ang serbisyo, karangalan at hustisya na nasa dulo ng baril. Hindi na ba kayo ang tagapagligtas, sa halip ay tagapatay? Ito na ba ang kapalit ng serbisyo, perwisyo. At ito na ang karangalan, kamatayan ng mamamayan.
Sa mga kaganapang ito, tila may sinasandalang pader ang ating kapulisan na hindi natatakot na gumawa ng mga karumaldumal na krimen. Sa maraming pagkakataon, ang ating kapulisan ang laging kaakibat ng mga mararahas na krimen. Kabi-kabila ang EJK, paglabag sa karapatang-pantao, tanim bala at ebidensya. Ito ba’y dahil sa pahayag ni Totoy Kulambo na kumukunsinte sa kanilang mga sala. Na kahit buhay ang isalang basta’t kayang ipaliwanag, ay may basbas nito. At sa dulo ng tali may pardon at re-instatement sa serbisyo dahil sa pagmamahal ni TK sa mga ito. Subalit, nawala ang haliging panuntunan ng PNP na siyang inasahan ni Mang Juan. Nawala ang serbisyo, karangalan at hustisya. Nawala ang makatao, makadiyos, makabayan at makakalikasan dahil sa buktot na pamamahala. Hindi pumasok sa isip at puso ng mamang pulis ang tamang haligi ng bumuo ng batas . At una pang pumasok ang bukto’t na kaisipan na kami ang batas. Ang pagsunod ninyo ang ibig namin dahil sa basbas galing kay Totoy Kulambo, na walang imposible kahit dumaan kami sa butas ng aspile at puro sala ang aming gawa.
Sa ngayon, naka salang ang buong PNP sa mata ng madla ‘di lang sa bansa kundi sa buong mundo kung saan kinokondena at nililitis ng International Justice System ang mga paglabag sa mga karapatang pantao na naganap sa panahon ni TK. Dagdag pa dyan ang ‘di makataong pamamaril ng isa ninyong tauhan na kinamatay ng mag-ina. Hindi kami umaasa sa mabilisang pagbabago sa inyong hanay dahil na rin sa pahayag ng inyong punong heneral na si Mananita. Sa kapulisan, huwag ibigay ang katapatan sa di makatarungang pinuno, pairalin sa sarili ang haligi at motto ng PNP dahil ito ang tama. Ingatan ang inyong hanay dahil sa huli kayo ang magdadala nito. Huwag ipagpalit ang kagalingan kontra karangyaan.
Hustisya sa mga biktima!
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ating kinakaharap sa kasalukuyan, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***
dantz_zamora@yahoo.com