Advertisers

Advertisers

Tax amnesty, malinis na Maynila, garantisadong serbisyong Isko

0 20

Advertisers

Ibabalik niya ang kulturang business friendly, sabi ni mayoral candidate Farncisco “Isko Moreno” Domagoso — na nagawa niya noon, at kayang-kayang gawin uli, lalo na at katuwang niya ang katiket na vice mayor Chi-Chi Atienza.

Pangako ni Yorme Isko, sa unang buwan ng pag-upo niya sa Manila cityhall, agad-agad niyang gagawin, “Ibabalik namin ang tax amnesty program.”

Narinig niya, sabi ni Yorme, ang hinaing ng mga negosyante, kaya noong makipagmiting siya, nitong nakaraang araw sa mga opisyal at kasapi ng Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII).



Sabi ni Isko noong maupo siyang alkalde noong 2019, ipinatupad niya ang tax amnesty program, at personal na pinamunuan ang paglilinis sa siyudad, at naging maayos ang paglikom at pagtatapon ng basura.

Sa kasalukuyang administrasyon, mula sa maruming Liwasang Bonifacio, masisimoy ang mabahong amoy ng nagkalat na dumi at basura.

Aywan kung nabayaran na ang naiwang napakalaking utang sa kontraktor ng tagahakot ng basura, “balita ko, nahihirapang makasingil,” sabi ni Yorme.

Sa harap ng mga kasapi ng FFCCCII, tiniyak ni Yorme Isko ang kasiguruhan: aayusin niya ang mga problema sa negosyo, mananatili ang rate ng buwis, at muli niyang ipatutupad — gaya noong 2019 at ng mga sumunod na taon — ang pinakamahabang tax amnesty sa kasaysayan ng Maynila.

Ikinuwento ni Yorme na ang sumunod na anim na buwang tax amnesty na nagsimula noong Hulyo 1, 2019, iyon ay nagbigay ng magaang na pasanin sa mga negosyante ng Maynila.



Kung anoman ang naiwang bayarin, tinulungan ni Yorme na maalwang ayusin ang mga obligasyon sa buwis nang walang pataw na penalty.

Mahalaga, paliwanag ni Yorme Isko na matatag ang polisiya sa pagpapatupad ng bayaring buwis, ito ay nagbibigay ng kumpiyensa, tiwala at gana sa ekonomya ng siyudad.

Kung maayos ang koleksiyon, magaang na nakakikilos ang mga negosyo, nakatutulong ito sa patuloy na paglago ng ekonomya, at ito, sabi ni Isko ang magiging klima sa cityhall — sa oras na siya na ang alkalde ng Maynila.

Ipinaalaala niya sa mga kaharap na negosyante, noon, katuwang ang mga opisyal sa cityhall at sa tulong ng Sangguniang Panlungsod, nagpatibay siya ng isang batas.

“‘Kung inyong matatandaan, dito sa Maynila ay nasimulan ang pagpapatupad: ang pinakamahabang tax amnesty sa kasaysayan ng Maynila,” sabi ni Yorme Isko.

“‘Yung anim na buwan na tax amnesty noong ako’y umupo noong Hulyo 1, 2019, at nangyari ‘yung pinangako ko at naganap at hanggang ngayon, hindi pa rin nababago ang tax code ng Lungsod ng Maynila,” sabi ni Yorme.

Sa narinig na pangako ni Yorme Isko, nagpahayag ng kasiyahan ang mga miyembro ng FFCCCII — isang samahan ng mga business people, hindi maitatangging kapartner sa pagyabong ng panatag, maaasahang paglago ng kabuhayan at negosyo sa Maynila.

Nagawa na niya noon, at nasaksihan ng madlang bayan, ang naging masigla, matatag na ekonomya ng lungsod, at kumpiyansa si Yorme Isko, mauulit niya, mas madodoble pa nga ang kasiya-siyang pamumuhay sa Maynila, lalo at katuwang niya si Chi-Chi Atienza at ang buong Yorme’s Choice.

Kung dugyot ngayon ang Maynila, lilinisin niya ito, gagawing paraiso na nagawa ni Yorme noon.

Bago natapos ang miting sa mga negosyante, muling tiniyak ni Kois ang garantiya ng pangakong tutuparin muli.

“‘Yung garantiya ko sa inyo, gagawin natin ulit, upang mapanatili ang kalinisan ng ating lungsod,” sabi ni Yorme Isko.

Magiging episyente, maayos at sa tamang oras, mahahakot, malilinis sa basura ang siyudad.

At ito ang matindi: “Pangako namin, magiging maayos at walang karagdagang bayad mula sa ating mga komunidad, ang garbage collection sa ating komunidad!”

Nangyari noon, mangyayari uli yan sa pag-upo ko sa Manila cityhall.

Hindi iyon basta pangako lamang, iyon ay obligasyon, panata at dedikasyon sa mabuting pamamahala sa Maynila sa pamamatnugot ni Yorme Isko.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.