Advertisers
NANINDIGAN si Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino na mali at walang katotohanan ang ipinapakalat ng Chinese social media na Rednote, na bahagi ng China ang Palawan.
“Huwag na nilang i-claim yung Palawan, ayusin na lang muna nila yung lugar nila, sobra na yun, hindi naman talaga sa kanila yung Palawan,” pahayag ni Tolentino bago tumulak ang kanyang convoy para sa gagawing motorcade sa ilang bahagi ng Binondo at Tondo, Sabado ng hapon.
Sabi ni Tolentino, kabilang sa Region 4B o MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) ang Palawan at hindi bahagi ng China tulad ng ipinakakalat sa Chinese social media na dapat daw ibalik ito sa kanilang bansa dahil ang orihinal na pangalan ng isla ay “Zheng He Island” na hinango sa bantog na Chinese explorer noong 14th century.
“Sobra na yun, malinaw na MIMAROPA ang Palawan, bakit naging sa kanila?” sabi pa ng Senador.
Kasabay nito, umapela rin si Tolentino kay Transportation Secretary Vince Dizon at sa Toll Regulatory Board (TRB) na suspendihin na rin muna ang toll hike na ipatutupad ngayong Linggo, Marso 2, sa North Luzon Expressway (NLEx).
Ayon kay Tolentino, sinuspindi na rin lang ni Secretary Dizon ang sistema ng cashless collection ng toll na inilarawan ng kalihin na “anti-poor” kaya dapat ay suspendihin na rin ang toll increase.
“Kasi magkasama yung cashless transaction at tsaka yung toll hike, so ang apela ko sa TRB at kay Secretary Dizon, isama na rin ang pagsuspindi ng toll increase,” sabi ni Tolentino.