Advertisers
SAYANG ang buwis-buhay ng mga Pinoy nang puwersahin sa pamamagitan ng Aklas-Bayan ang administrasyon ni Marcos Sr. na wakasan na ang kaniyang pananatili sa kapangyarihan.
Masasabing ‘naunggoy’ ang marami sa ating mga kababayan na lumahok sa naturang Aklas-Bayan dahil makaraan mapatalsik sa trono ang Marcos Sr. ay sinundan naman ng sangkatutak na kudeta ang administrasyon ni Tita Cory.
Naging madugo ang mga isinagawang kudeta ng mga unipormadong mga kawani ng gobyerno kung saan naging bida muli ang ilang kilalang personalidad na lumahok din sa Aklas-Bayan na nagpatalsik kay Marcos Sr.
Sumunod naman ang isa rin sa bidang-bida na lumahok sa Aklas-Bayan ng 1986 na si Heneral Fidel ‘Tabako’ Ramos na sinundan naman ni Pareng Erap na sinipa sa kanyang trono sa pamamagitan din ng Aklas-Bayan na kilala bilang ‘EDSA DOS”.
Pinipilit na lang ng mga iilan ang paggunita sa Aklas-Bayan 1986 pero kung tutuusin ay wala itong naidulot na mabuti sa ating Inang Bayan na gawa-gawa lamang ng mga pulitiko na nais kunin ang kapangyarihan na hawak ng Marcos Sr.
Binasag noon ang kapangyarihan ng Marcos Sr. upang mapunta rin lang naman sa ibang mga pulitiko na sakim din sa kaban ng bayan bagaman sinasabi na naibalik ang ‘DEMOKRASYA’ makaraan ang naturang Aklas-Bayan.
Subalit ang demokrasya rin na ito ang nagbigay ng paraan upang hati-hatiin at biyak-biyakin ang kapangyarihan ng Marcos Sr. kaya ngayon ay marami nang abusadong makapangyarihan sa ating Lipunan.
Kung noon ay ang Marcos Sr. kabilang ang mga sundalo at pulis ang siga sa lipunan, ngayon mula Malakanyang hanggang Barangay ay kanya-kanyang balwarte ng kapangyarihan – marami nang siga sa ating lipunan.
Ganoon din ang nangyari kay Aling Gloria na nauso naman ang ‘Destab Plot’ kaya nahetot-hetot ang lipunan mula 2004 hanggang 2010. Binigyan pa ng pagkakataon ang isa pang Aquino pero nadismaya ulit ang maraming Pinoy.
Nabigyan din muli ng pagkakataon ang pamilya Marcos na makabalik sa Malakanyang kaya sinasabing absuwelto sa lahat ng paratang laban sa mga ito nang maihalal bilang Pangulo ang BBM. Sayang ang EDSA People Power 1986!
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com