Advertisers
WA-EPEK ang direktiba nina PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil at Criminal Investigation and Detection Group MGen. Nicolas Torre III na No Take Policy dahil sa halip na huminto ang talamak na operasyon ng paihi/buriki o fuel pilferage, ganun din ang illegal vices lalo na ang sakla, peryahan o karnabal na pulos sugalan (pergalan), bookies ng Small Town Lottery (STL), lotteng at iba pang bawal na sugal ay lalo pang lumala ang operasyon ng mga ito.
Epektibo sa buong bansa na ipinatutupad sa hanay ng kapulisan, lalo na sa buong rank and file ng CIDG ang polisiya na ito ngunit tandisan namang nilalabag pa rin ng maraming opisyales at tauhan ni MGen. Torre III lalo sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas at Rizal.
Tunay at sinsero naman talaga ang magiting na heneral sa kanyang babala na sundin ng kanyang mga opisyales at tauhan ang naturang patakaran kundi ay mapapatawan ang mga susuway ng pinakababa ay suspensyon o ultimong dismissal sa kanilang serbisyo.
Taliwas sa inaaasahan, sa halip na huminto ang operasyon ng mga naturang kailegalan ay lalo pang lumala ang operasyon nito sa CALABARZON na sentro ay ang Cavite, Laguna, Batangas at Rizal lalo na kung pag-uusapan ay ang buriki/paihi at vices operation.
Sa halip na pahintuin ang kinagisnan nang paihian/burikian ng magkasosyong kilala sa larangan ng kalakalan ng droga na sina Amang, Goto at Cholo ay pinigilan pa ng ilang matataas na opisyales ng PNP na pahintuin ang operasyon ng mga nabanggit na ilegalista sa Brgy. Bancal, Carmona City.
Kailangang alamin ni MGen. Torre III kung sino ang mga PNP official na nag-imbento ng senaryo upang tuloy-tuloy ang pagpasok ng mga tanker/capsule truck upang magpaihi at magpasinagw ng kanilang kargamentong produktong petrolyo at Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa kuta ng maimpluwesnyang sina Amang, Cholo at Goto.
Matalinong-gunggong ang style ng pinagkakatiwalaang opisyales pa naman nina PDGen. Marbil at MGen. Torre upang palitawin na sinunod nila ang kanilang dalawang top brasses na manghuli ng mga ilegalistang sangkot sa buriki, sakla at pergalan.
Ang totoo ay humingi lamang ng “alay” ang mga naturang police official sa mga ilegalistang nag-ooperate sa mga bayan at siyudad sa Cavite upang magmukhang bida sila sa paningin ng mga pinagpipitagan na heneral.
Ganito din ang palabas nila sa mga saklaan na inooperate nina Hero, Ka Minong, Dencio, Maricon, Ewang, Eric at Nani sa Dasmariñas City, Bacoor City at Trece Martires City at Cavite City ganun din sa mga bayan ng Amadeo, Maragondon, Naic, Ternate, Magallanes, Bailen, Indang at iba pang lugar sa Cavite.
Kaya’t kung di pakasusuriin ay mukhang nagtatrabaho nga ang mga chief of police at sumusunod sa “No Take Policy” nina PDGen Marbil at MGen. Torre III?
Ito rin ang pinagsusupetsahang nagaganap sa Calamba City kung kaya’t non stop pa rin doon ang paihi/buriki operation ng 10 kataong armado ng baril na tauhan nina Amang, Goto at Ador Brothers sa kanilang kuta sa tabi lamang ng Yakult Philippines, Brgy. Makiling, Calamba City.
Kasabay nitong nag-ooperate ang paihian/burikian at pasingawan ng magkapatid na Ador pawang sa probinsya ng Laguna ngunit nagmimistulang inutil at walang aksyon sina Laguna OIC Provincial Director Col. Ricardo Dalmacia, ang kanyang mga police chief at higit sa lahat ay ang pinagkakatiwalaan ni Gen. Torre III na si CIDG Regional 4A Field Unit Chief Col. Emerick Sibalo.
Tulad din kaya sa nagaganap sa Cavite ang mga kaganapan sa hurisdiksyon nina Col. Dalmacia at Col. Sibalo?
Ganito din ang senaryo sa puesto pijo gambling den sa Brgy. San Antonio sa bayan ng San Pascual, Batangas. Malinaw pa sa sikat ng araw na tuloy-tuloy ang puesto pijo na pasugalan na may shabuhan ng isang alyas Ka Mundo sa sentro lamang ng naturang munisipalidad.
Ang “palabas” ng ilang police official ni Batangas PNP Provincial Director Col. Jacinto Malinao Jr. ay sumusunod sila sa polisiya na ‘No Take Policy” ng PNP hierarchy.
Lantaran ang operasyon ng matagal nang inirereklamong gambling con drug den sa “ibabaw lamang ng tungki ng ilong” ng mga pulis, lokal at barangay official sa bayan ng San Pascual at maging ng mga operatiba ni Batangas CIDG Provincial Officer Lt Col. Jake Barila. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp.No. 0966 406 6144