Advertisers
Napatay ng mga armadong kalalakihan sa tapat ng kanilang bakuran ang isang dating mayor ng Lumbaca-Unayan sa Lanao del Sur, Miyerkules ng umaga, February 26, 2025.
Kinumpirma nitong hapon ng Miyerkules ng mga senior officials ng Lanao del Sur Provincial Police at ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, na agad na namatay sa mga tama ng bala ang 60-anyos na si Abdulazis Tadua Aloyodan sanhi ng naturang pamamaril.
Kabiyak ng napaslang na si Aloyodan, si Jamaliah Aloyodan, ang kasalukuyang mayor ng Lumbaca-Unayan.
Naganap ang pagpatay kay Aloyodan hindi kalayuan sa municipal hall ng Lumbaca-Unayan, isa sa 39 na mga bayan sa Lanao del Sur na ang kabisera ay Marawi City.
Kinondena ni Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr. ang pagpatay sa dating mayor kasabay ng kanyang panawagan sa mga imbestigador ng Lumbaca-Unayan Municipal Police Station at mga barangay officials sa naturang bayan na magtulungan sa pagkilala sa mga namaril kay Aloyodan upang masampahan ng mga kaukulang kaso.
Hiniling din ni Adiong ang mga opisyal ng 103rd Infantry Brigade ng Philippine Army na tumulong sa imbestigasyon ng pulisya sa insidente.(Mark Obleada)