Advertisers
PATULOY ang pagpapaalala ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa mga Manilenyo partikular na sa mga magtutungo sa Divisoria na panatilihing sumunod sa health protocols tulad ng pagsusuot ng facemask at face shield gayundin ang pagpapanatili ng physical distancing para makaiwas sa COVID-19.
Una nang nagpahayag si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na bukod sa mga Manilenyo, “welcome” rin ang mga taga ibang lungsod kasabay ng mahigpit na paalala ukol sa COVID-19.
Tuloy-tuloy ang isinasagawang pagpapatrolya ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa lugar ng Divisoria upang ipatupad ang health protocols batay na din sa implementasyon sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Matapos mag-anunsiyo ang Malakanyang na bukod sa suot na facemask, dapat nakasuot din ng face shield ang publiko kapag lalabas ng kani-kanilang bahay, na mahigpit itong ipinatupad ng mga tauhan ng MPD-Dagupan Outpost sa pamumuno ni PSMS Gerry Tubera sa Divisoria.
Hindi naman hinuhuli ng mga tauhan ng MPD ang mga hindi nakasuot ng face shield sa halip binigyan pa nila ang mga ito ng naturang pananggalang sa mukha bilang dagdag sa kanilang seguridad kontra COVID.
Bukod sa pamimigay ng faceshield nag-ala “Santa Claus” ang mga tauhan ng MPD-Dagupan Outpost nang magsagawa sila ng “gift giving” kung saan naghandog ang mga ito ng may 100 hamon para sa 50 tricycle at pedicab driver gayundin ang may 50-street sweepers ng Department of Public Service (DPS).
Ayon kay Tubera, kahit man lamang sa maliit na kaparaanan ng kapulisan may mapagsaluhan ang pamilya ng mga traysikel at pedicab driver gayundin ng mga street sweepers kung saan may maihahain silang “hamon” sa kanilang Noche Buena.
Pinaalalahanan naman ni Tubera ang publiko lalo na ang mga mamimili sa area ng Divisoria na sumunod sa pinapairal na health protocols. Magsuot ng face mask at face shield, maghugas ng kamay, at panatilihin ang physical distancing. (Jocelyn Domenden)