Advertisers

Advertisers

Nawala ang tikas nina Gen. Marbil at MGen. Torre… ‘NINONG’ NG PAIHI 0PERATOR AMANG, VIOLAGO AT ADOR PINALALANTAD!

0 1,316

Advertisers

Ni CRIS A. IBON

BAGAMA’T mahigpit ang utos nina PNP Chief, General Rommel Francisco Marbil; at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director, Major General Nicolas Torre III, sa kanilang mga opisyales at tauhan na “walisin” ang operasyon ng lahat na uri ng kriminalidad sa buong bansa at ipatupad ang ‘No Take Policy’ ay nanatiling ‘di natitinag ang “paihi” o “buriki” ng maimpluwensyang grupo nina Amang, Cholo, Goto at Ador na nagkukuta sa mga lalawigan ng Cavite at Laguna.

Tila nawala na ang tikas nina Marbil at Torre nang balewalain ng kanilang itinalagang regional at provincial commanders ang utos nilang ‘No Take Policy’ mula sa mga ilegalista na nagkalat sa naturang mga lalawigan.



Maging ang illegal vices tulad nagbabalatkayong tradisyunal na peryahan o karnabal at mga sugalan na kung tawagin ay “puesto pijo” na prente ng iba’t ibang uri ng sugal tulad ng color games, sakla na pawang prente ng bentahan ng droga ay laganap ang operasyon sa Cavite at Laguna at ibang lugar sa CALABARZON at Metro Manila, ayon sa grupo ng Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB)

Dalawang malalaking mala-casino na puesto pijo ang nag-o-operate sa Barangay San Antonio, sa bayan ni San Pascual Mayor Antonio Dimayuga. Dinudumog ito maging ng drug addicts sa tapat lamang ng WalterMart, ngunit balewala sa hepe ng pulisya rito na si Major Ricky Fornolles.

Matagal naring inirereklamo ang gambling joint na may shabu den sa tabi ng Lian Public Market na ino-operate ng mga nagpapakilalang political supporter ni Lian re-electionist Mayor Joseph Piji, kaya’t nakapagdududa ang ‘di pag-aksyon ng alkalde, at ng Batangas provincial director na si Colonel Jacinto Malinao Jr., at CIDG Provincial Officer LtCol. Jake Barila.

Nanawagan ang MKKB na tukuyin nina Marbil at MGen. Torre kung sino-sino ang mga “ninong” na police officials maging sila man ay CIDG regional chief at provincial officer kung “namantikaan ang nguso” nila ng mga ilegalista.

Ibinunyag din ng MKKB na lalong naging lantaran ang paihi/buriki operation ng magkakasosyong Amang, Goto, Cholo ng Violago Group, at magkapatid na Ador sa kuta na kadikit lamang ng Yakult Philippines, Brgy. Makiling, Calamba City.



Mahigit sa isang taon nang nagpapaihi ng libo-libong litro ng petroleum products at nagpapasingaw ng LPG ang 10 katao na armado ng mga baril na miyembro ng sindikato mula sa mga tanker at capsule truck. Ang milyones na halaga ng ninakaw na produkto ay pinapalitan ng kemikal na Methanol upang ‘di mahalata ng may-ari ng trucking na pinagnanakawan na sila ng sindikatong buriki/paihi.

May paihian/burikian at pasingawan pa ang magkapatid na Ador sa Brgy. Paciano Rizal, Calamba City; at isa pang kuta sa Silangan Exit, Cabuyao City sa hurisdiksyon nina Laguna Gov. Ramil Hernandez, Laguna PNP provincial director Col. Ricardo Dalmacia, at ng CIDG Provincial Officer (PO).

Tulad nina Col. Dalmacia at CIDG PO, nakadidismayang walang aksyon laban sa mga ilegalistang ito ang police chief ng mga naturang siyudad, lalo’t higit ang pinagkakatiwalaan ni Gen. Torre na si CIDG Regional Field Unit 4A Chief, Col. Emerick Sibalo.

Sangkatutak din ang nagpapatakbo ng pergalan at Small Town Lottery bookies sa mga siyudad at bayan sa Laguna.

Mahigit na sa 40 taon ang operasyon ng paihi/buriki nina Amang, Cholo at Goto sa Brgy. Bancal, Carmona City, ngunit nagmimistulang inutil, hindi gumagalaw at walang aksyon laban dito si Col. Alegre at ang kanyang hepe ng pulisya sa naturang lungsod, pati na si CIDG PO Lt. Col. Jayson Gatdula.

Kalat ang ulat hindi lamang sa pulisya nagsusuhol sina Amang, Cholo, Goto at Ador ng milyones kundi maging sa ilang top local officials sa Cavite at Laguna, ng pondo para sa kampanya sa darating na May 2025 election.

Garapalan din sa Cavite ang pasakla ng tong kolektor at drug pusher din na sina Hero, Ka Minong at alyas Sgt. Hayag. Ang iba pang sakla maintainer doon ay sina Dencio, Maricon, Nani, Ewang at isang aktibong PNP sergeant sa maraming barangay, mga license cockpit at tupadahan ng Dasmariñas City, Bacoor City, Trece Martires City, Cavite City at mga bayan ng Amadeo, Maragondon, Noveleta, Naic, Bailen, Magallanes, Ternate, Indang at iba pang mga bayan at siyudad. Batik ito sa imahe ng taga Cavite na sina Department of Justice Secretary Boying Remulla at Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, ayon sa MKKB.

Largado din ang peryahan na pulos sugalan sa mga barangay ng Paradahan 1, Tanza ng isang alyas Egay; Charlie at Nina sa Brgy. Patungan, Maragondon; Michael sa Brgy. Sabang, Naic; at Tetet sa Brgy. Paliparan, Dasmariñas City.

May bookies ng EZ2, pick 3, lotteng at online gambling sina Jun Toto, Nitang Kabayo, Kap Abner at Santander sa Dasmariñas City at Bacoor City.