Advertisers
NAKAGUGULAT talaga ang ulat na nakarating sa inyong lingkod! Sinasamantala ng ilang manggaganstso at nagpapakilala pa na intelhencia kolektor ng ilang matataas na opisyales ng PNP ang kapaskuhan para makapangikil ng malalaking halaga ng salapi mula sa mga ilegalistang nagpapatakbo ng kalakalan ng droga at ilegal na pasugal sa rehiyon ng CALABARZON para makalikom ng salapi bilang “pasalubong” at papasko sa kauupong Region 4-A Director, PBG Felipe Natividad.
Mangangailangan kuno ng malaking halaga ng salapi si Gen. Natividad pagkat may nakatakdang magarbong pa-christmas party na idaraos sa Region 4-A PNP headquarters sa Camp Vicente Lim, Canlubang, Laguna.
Personalmente, di tayo karakang mapapabilib sa nakarating na impormasyon sa SIKRETA, kaya makabubuting aksyunan na agad ito ni General Natividad.
Kamakailan lamang, naglabas ng guidelines si PNP Dir. General Debold Sinas na nagbabawal sa malakihang grupo ng pagtitipon/pagsasalu-salo para sa pagdiriwang ng papalapit na kapaskuhan sa lahat na regional, provincial, city at municipal police office sa bansa.
Kaagad na ipinatupad ni Gen. Natividad ang “No Take Policy” sa kanilang hanay simula nang maupo ito sa pwesto noong November 3, 2020.
Hindi maaring tumanggap ng “dirty money” ang sinumang opisyales ng kanyang kapulisan hanggang sa pinakamababang ranggo, lalo na kung ito ay mula sa droga at iligal na sugal, ang mahigpit na tagubilin ni Gen. Natividad.
Kaya bawal na bawal na kumolekta ng intelhencia, suhol, hatag, padulas at lagay ang mga pulis mula sa mga drug/ gambling maintainers.
Ayon sa ating police insider, “good will money” ang pinasusuka ng intelhencia kolektor sa mga ilegalista para kay General, ang paniwala ay ginagamit lamang ang pangalan ni Gen. Natividad sa pangongotong pagkat wala pa namang bagman ang heneral, taliwas sa ilang naunang pinuno ng kapulisan sa nasabing rehiyon.
Sa paglilibot ni Gen. Natividad sa mga provincial, city at municipal police office ay paulit-ulit na ipinagdiinan nito ang direktiba ng pamunuan ng PNP at maging ang pagpapatupad ng pinag-ibayong “internal cleansing” sa kanilang hanay.
Ngunit balitang naghatag na ng “pasalubong” ang mga drug / gambling lords sa lalawigan ng Cavite na sina alias John Yap, alias Jun Moriones, alias Zalding Kombat at alias Caloy Kolanding at iba pang operator ng bawal na pasugal sa Region 4-A na sinimulang ikutan ng isang police sergeant kamakailan lamang.
Ang “pasalubong” ay direktang dinadala ng sarhento sa PNP Region 4-A Police Office. Kaya naman tuloy-tuloy at di nakakanti ng Cavite PNP at maging ng Region 4-A Police operatives ang pa-jueteng at bentahan ng shabu nina Yap, Moriones, Kombat at Kolanding at iba pang vice lords.
Ayon sa ating R-4-A police insider, may isang buwan pa bago naupo si Gen.Natividad sa PNP Region 4-A, ay tumatakbo na ang bentahan ng shabu at Perya ng Bayan(PnB) cum jueteng nina Yap, Moriones, Kombat at Kolanding sa Gen. Trias City, Cavite City,Bacoor City, Trece Martires City at mga munisipalidad ng Tanza, Ternate, Amadeo, Maragondon, Naic, Magallanes at iba pang mga siyudad at bayan sa lalawigan ng Cavite.
Ngunit rekta itong naghahatag sa tanggapan ng dating hari-hari sa headquarters sa Camp Vicente Lim, Canlubang, Laguna.
Tila moro-moro pala kung gayon ang police operation laban sa mga naturang ilegalista nang salakayin ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kamakailan ang rebisahan ng jueteng na pinamamahalaan ni Moriones sa Brgy. Santa Clara, Gen. Trias City. Nadakip sa police operation ang 23 kabo at kolektor ng jueteng na binabangkaan ni Yap.
Ngunit ang mga rebisahan ng jueteng na pinamamahalaan nina Kombat at Kolanding sa Cavite City ay hindi naman natinag nina Cavite PNP Provincial Director, Col. Marlon Santos at Cavite City Police Chief P/LtCol. Franco Allex M. Reglos. Kaya balewala ang direktiba ni General Natividad na “No Take Policy”, nasayang lang ang laway ng heneral.
Tumatabo ng milyones ang pa-jueteng at shabu tiangge nina Yap, Moriones, Kombat at Kolanding, kalahati naman nito ay naibubulsa ng protektor ng mga itong ilang police official sa Cavite at maging opisyales ng pamahalaang lalawigan at lokal na pamahalaan. Kung saang lugar nagpapatakbo ng jueteng at bentahan ng shabu ang mga nabanggit na iligalista. ay may tinatanggap ding padulas ang mga barangay chairmen.
Nakapangikil na din ang mga nagpapakilalang “pasalubong” kolektor maging sa mga siyudad ng Lipa, Tanauan, Batangas City at mga bayan ng Padre Garcia, Malvar, San Jose, San Juan, Nasugbu, Taysan, Sto Tomas at iba pang mga lugar sa lalawigan ng Batangas.
Kaya tulad din sa Cavite, kampanteng-kampante at di rin natitinag ng kapulisan ang vice operations sa Batangas lalong-lalo na sa Lipa City, na mahigit pa sa 20 operator ang nagpapatakbo ng jueteng na kilala ding financier ng kalakalan ng shabu.
Nakolektahan na din ng protection money para sa “pasalubong” at Christmas celebration sa PNP Region 4-A ang jueteng operator at drug financier na sina alias Ka Carling ng Brgy. Bulacnin, Lipa City.
Si Ka Carling, ang katiwala nitong si alias Maliwanag at ang kalaguyong si alias Vie ang tumatayong engkargado ng kapwa ng mga ito drug/gambling operator sa Lipa City. Bawat isa ay inobliga nina Ka Carling na maghatag ng tig Php 50,000 sa nasabing tong kolektor.
Ang mga ito ay sina Kap Randy, Brgy. Sulok, Ex-Kap Fonti- Brgy Granja at Poblacion, Kap Gonzales- Brgy. San Benito, alias Kap Boyet ng San Lucas, Kap Lacorte- Brgy. Sto Toribio at Saint Michael; Kap August- Brgy. 8. Poblacion; alias Kap Sara ng Sampaguita, alias Ruben Sabedra- Brgy. Balintawak, alias Lorenz ng Brgy. Poblacion 4 at Bulaclacan; Neneng Dista- Brgy Uno; Vilma Tomboy-Calle Pogi, Brgy 3, Amapola Subdivision, C.M Recto Ave., at bus stop; Liza at Linda-sa Brgy. Balintawak at Poblacion; Hadjie at Aiza- Brgy San Jose o San Jose Patay, Ex-pulis Yema- Brgy. Pangao, alias Kap Wanita at Kap. Fernan.
Ngunit tila walang kamuwang-muwang ang kauupong si Lipa City Police Chief, P/LtCol. Lory E. Tarrazona sa nagaganap na kolektahan ng “pasalubong” at Christmas party fund ng mga tarantadong kolektor sa kanyang hurisdiksyon.
Sa bayan ng Padre Garcia, may Php 300,000 naman ang nakikil na “pasalubong” ng tong kolektor mula sa operator doon ng bentahan ng droga at jueteng na sina alias Kap Tisoy at alias Kap Idol. Ang dalawa ay kilala ding lider ng sindikatong Tisoy/Idol-Flores gun running and kidnap for ransom syndicate.
Kulang ang ating espasyo sa dami na ng nakikilan ng nagpapakilalang kolektor ng “pasalubong” at Christmas party budget ng PNP Region 4-A.
Kung walang namamayaning kailegalan sa AOR (area of responsibilty) ni Gen. Natividad, hindi magagasgas ang pangalan ng butihing heneral at natural na wala ding mangangahas dito na mangolekta ng protection money.
Paposasan na dapat ni General Natividad ang mga kawatang tong kolektor na ipinananakot sa pangingikil ang kanyang pangalan, ipakulong ding lahat ang mga iligalista at operator ng jueteng,iba pang uri ng pasugal at kalakalan ng droga sa kanyang nasasakupan.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.\