Advertisers
ITINUTURING ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang klase ng pulis na may sakit sa utak at may topak si P/Cpl. Jonel Nuezca at hindi dapat pamarisan ng mga kapwa alagad ng batas.
Sinabi ni Sen. Bong Go na maging si Pangulong Duterte ay napanganga nang mapanood ang video ng ginawang pagpaslang ni Nuezca sa mag-inang Sonya Gregorio at Frank Gregorio sa Paniqui, Tarlac dahil masyado itong brutal.
“Galit si Pangulong (Rodrigo) Duterte sa nangyari. Mananagot ang bumaril,” ayon kay Go na mariin ding kinondena ang ginawa ni Nuezca.
Sa kanyang Talk to the People Address kagabi, nais ipatiyak ni Pangulong Duterte sa PNP na hindi dapat makatakas sa kamay ng batas si Nuezca dahil kinakailangan siyang managot sa kanyang naging aksyon.
“Isa lang itong klase ng pulis na ito. May sakit ito sa utak. Topak,” ayon kay Duterte. “Pati ako napanganga… brutal masyado.”
“You do not follow the law, mag-salvage ka, mag-patay ka, then I’m sorry. That is not part of our agreement on how we should do our work,” ang idiniin ng Pangulo sabay paalala sa mga pulis na gawin ang kanilang tungkulin nang naaayon sa batas.
Galit na kinondena ni Go ang pagpatay ng pulis sa kapitbahay na mag-ina at hindi niya hahayaang makaligtas sa parusa ng batas ang salarin.
“Talagang hindi katanggap-tanggap ‘yung pagpatay nang brutal nu’ng pulis sa mag-inang Sonya at Francis sa Paniqui, Tarlac kahapon. Hindi natin palalampasin po ito,” ani Go.
Nagpaabot ng pakikiramay ang senador sa pamilya ng biktima at nagsabing ibibigay niya at ni Pangulong Duterte ang mga tulong na kailangan ng mga Gregorio.
Tiniyak din niya na maigagawad ang hustisya sa mag-ina.
“Nakikiramay po ako sa naulilang pamilya at nagpaabot na po ako na tutulong po kami ni Pangulong (Rodrigo) Duterte. Papadala po ako ng tao dun. Kung ano po ang kailangan nila sa pagpapalibing at kung ano po ang kailangan ng pamilya nila ay tutulong po kami,” ayon sa mambabatas.
“Sisiguraduhin natin na mabibigyan po ng hustisya ang walang katuturang krimen na ito,” ani Go na nagsabing kailangang ipagpatuloy ang internal cleansing sa Philippine National Police sa pamamagitan ng pag-aalis sa mga bugok na itlog upang hindi makahawa.
“Nananawagan po ako sa awtoridad at, alam mo, malaki ang tiwala ko sa ating kapulisan na hindi po sila papayag na ma-whitewash po itong ganitong ginagawa ng kanilang kabaro dahil alam natin mga pulis ngayon ay talagang ginagalang at nirerespeto na.”
“Malayo na po ang narating natin upang ibalik ang dignidad ng kapulisan at mas lalong paigtingin ang kakayahan nila na gampanan ang kanilang tungkulin,” ayon kay Go.
Bagama’t suportado niya at ng Pangulo ang PNP, sinabi ni Go na hindi naman siya makapapayag na abusin ng iilan ang ginagawang reporma ng pamahalaan sa police force.
“Buo po ang aming suporta ni Pangulong Duterte sa mga pulis. Full support po kami sa kanila basta in line of duty at kung ginawa niyo po ang trabaho niyo bilang isang pulis na poprotekta sa kapakanan ng nakararami,” ani Go.
“Pero hindi natin hahayaan na may mga mapang-abusong tulad nito na sisira sa mga reporma na ipinaglalaban natin,” diin niya.
Sinabi ni Go mahalaga ang papel ng police force sa pagmamantina ng peace and order sa bansa.
“Hindi po magiging successful ang peace and order campaign ni Pangulong Duterte, lalung lalo na po itong kampanya laban sa droga kung hindi po sa tulong ng pulis, eh, sila po malalapitan natin. Kaya nakakauwi ‘yung mga anak natin sa gabi ng peacefully dahil alam natin nandiyan ang mga pulis natin, talagang nagtatrabaho at nalalapitan at ginagalang.”
Ngunit muli niyang idiniin na ang ginawa ni Nuezca ay hindi katanggap-tanggap sa ating lipunan kaya dapat lamang mabulok sa bilangguan ang masahol pa sa hayop na pulis.
“Away po ito na hindi naman po dapat humantong sa pagbubuwis po ng buhay. Kaya kung gaano po kami ka-full support ni Pangulong Duterte sa pulis — ngayon, talagang suportado namin ni Pangulong Duterte na mabulok po ito sa kulungan,” aniya.
“Maiinit pala ang kanyang ulo e sana inuna niya itong binaril para lumamig,” ang galit na sabi ng senador. (PFT Team)