Advertisers
OPTIMISTIKO si Senadora Pia Cayetano na maging global sports hub ng Pilipinas, lalo na ngayong matagumpay na naidaos ang Asia Pacific Padel Tour (APPT) Manila 2025.
Binigyang diin ni Cayetano, na siyang founder ng Padel Pilipinas, ang kahalagahan ng paghu-host ng international tournaments, lalo na para sa lumalaking sports tulad ng padel.
Aniya, malaking tulong ito hindi lang sa pagpapalakas ng lokal na sports scene kundi pati na rin sa pagbibigay-inspirasyon sa mga batang atleta.
“I think it’s a great opportunity for the Philippines to really be in the loop of sports hosting kasi doon papunta ang mundo, ‘yung wellness and sports tourism,” sambit ni Cayetano sa panayam nitonv weekend sa awarding ceremony ng 3-araw na torneo.
Ayon pa sa senadora, kailangan din ng isang buong sistema, mula sa grassroots programs, accessible na pasilidad, hanggang sa tamang role models na gagabay sa mga atleta.
Bilang matagal nang tagapagtaguyod ng sports development, ipinunto ni Cayetano na ang mga kaganapan tulad ng APPT Manila Open ay nagsisilbing entablado para ipakita ang galing ng mga atletang Pinoy.
Bukod dito, nagiging tulay din ito para makipagsabayan ang ating mga manlalaro sa international athletes at palakasin ang sports community.
Proud din ang senadora sa world-class na pasilidad ng torneo, mula sa maayos na restroom hanggang sa medical team na handang rumesponde kung kinakailangan.
Pero higit pa sa indibidwal na tagumpay, iginiit ni Cayetano na kailangang bumuo ng isang matibay na national team.
“The goal is to build a strong team. That they’re inspirational. That they’re also learning in the process. So, that’s what I see with our national team right now,” aniya.
Dagdag pa niya, patuloy ang pagsisikap na gawing mas matibay ang padel scene sa Pilipinas.
Target niyang mabigyan ng tamang training at exposure ang mga batang atleta, na maaaring magdala sa bansa bilang isang training hub para sa international padel players.
“Ating palakihin nang palakihin ang pool, because the sport is new. I’d like the Philippines to be a hub for training, kasi nakikita nung mga Southeast Asians na strong ang team natin,” sabi niya. World hosting? Kayang kaya na ani Sen.PIA!