Advertisers
KINUMPIRMA ng Malacañang na nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang batas na nagpapaliban sa nakatakdang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, pirmado na ni PBBM ang Republic Act 12123, na nagtatakda ng bagong iskedyul ng parliamentary elections sa BARMM mula Mayo 12, 2025, patungo sa Oktubre 13, 2025.
Batay sa bagong batas, ang susunod na eleksiyon sa rehiyon ay isasabay na sa pambansang halalan sa 2028 at magpapatuloy tuwing ikatlong taon.
Nakasaad din sa batas na ang Comelec, sa pamamagitan ng Bangsamoro Electoral Office, ang magpapatupad ng mga patakaran at regulasyon para sa halalan alinsunod sa mga pambansang batas, Bangsamoro Organic Law, at Bangsamoro Electoral Code.
Samantala, ang termino ng mga halal na opisyal sa BARMM ay opisyal na magsisimula sa Oktubre 30, 2025, ganap na alas-12:00 ng tanghali.
Agad ding magkakabisa ang batas matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may general circulation. (Gilbert Perdez)