Advertisers
NI: CRIS A. IBON
SA isang pagkakataon, pinapurihan ng grupo ng anti-crime crusaders sa Region 4A si Criminal Investigation and Detection Group Director at kapo-promote na MGen. Nicolas Torre III dahil sa hakbang nito laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon o fake news. Nagsampa ito kamakailan ng kasong cyber libel laban sa dating broadcaster na si Jay Sonsa at isang di pinangalanang vlogger.
Ang kaso ay nag-ugat mula sa mga maling pahayag at nakasisirang post sa social media, kung saan ay iniulat na si Gen. Torre III ay may malubhang sakit at nakaratay sa ospital.
Mariing pinabulaanan ito ni Gen. Torre III at tinawag na fake news at nilikha upang sirain ang kanyang reputasyon. Nilinaw niya na ang mga larawan na kumakalat online na nagpapakitang siya ay nasa ospital ay peke at edited.
Ang pinaka huling kontrobersya ay hindi ang unang atake sa karakter ni Gen. Torre III. Mula nang maging daan siya sa pagka aresto kay Pastor Apollo Quiboloy, ang propesyon at personal na buhay ni Gen. Torre III ay naging target na ng walang humpay na pagtuligsa.
Sa kabila ng mga hamon na ito, nanatiling matatag si MGen. Torre III sa kanyang dedikasyon sa pagpapatupad ng batas at paglilingkod sa publiko.
“Naging simbolo siya ng hindi matitinag na lakas sa kasalukuyang administrasyon, na pagpapatotoo sa kasabihang, “Hindi matitibag ang isang mabuting tao”, ang pagdidiin ng MKKB.
Kasunod ng paghahain ng kaso laban sa mga naturang media personalities ay iniutos din ni MGen. Torre III ang mahigpit na anti-vice and criminality campaign sa buong bansa, lalo at higit sa Metro-Manila at ilang mga lalawigan na nasasakupan ng CALABARZON. Napatunayan maging ng Kongreso na talamak ang operasyon ng Small Town Lottery (STL) bookies, EZ2, pick 3, lotteng, sakla, mga tradisyunal peryahan na prente ng bentahan ng droga lalo na ng shabu partikular sa mga siyudad ng Lipa, Tanauan, bayan ng Lemery, Balayan, Calatagan, Nasugbu, Padre Garcia, Calaca, Laurel, Bauan, Malvar at iba pa sa Batangas; Dasmarinas City, Bacoor City at Cavite City sa probinsya ng Cavite; Calamba City, San Pedro City, Sta Rosa City, Cabuyao City at San Pablo City sa Laguna; bookied nina alyas John Yap at Sola sa Antipolo City, Cainta, Tanay sa Rizal Province; Lucena City, Tayabas City, Pagbilao City, mga bayan ng Sariaya, San Antonio, Candelaria, Tiaong, Catanauan, Guinyangan at iba pa sa Quezon Province.
Mariin ding iniutos ng heneral na pagtuunan ng pansin ang paglansag sa salot at perwisyong operasyon ng paihi/buriki o fuel theft lalo na ang hindi matinag-tinag na pinatatakbo ng isang alyas Amang, Cholo at Goto ng sindikatong Violago na deka-dekada nang nag-ooperate sa Brgy. Bancal, sa syudad ni Carmona Mayor Dahlia Loyola; nina alyas Rico Mendoza, Mike Mendoza, Etring Hidalgo alyas Payat, Efren at isang alyas Balita sa Batangas City.
Ayon sa MKKB, malaki ang natatamasa ng ilang provincial government at top police official maging lokal na opisyales na sinusuportahan pa ng pondo para sa election campaign. Umaabot sa daang libo hanggang milyong halaga ng petroleum product at Liquified Petroleum Gas (LPG) ang iniimbak sa mahigpit na natatanurang kuta ng mga armado ng baril na mga goons nina alyas Amang, Cholo at Goto; Mendoza at Balita Groups.
Ang operasyon ng sakla na napakatagal na din pinatatakbo nina alyas Hero, Ka Minong at isang alyas Sgt. Hayag na nag-ooperate sa mga maraming barangay at maging sa mga lisensyadong sabungan at tupadahan ng Dasmariñas City, Bacoor City, Trece Martires City, Cavite City at mga bayan ng Amadeo, Maragondon, Noveleta, Naic, Bailen, Magallanes, Ternate at marami pang mga bayan ay iniutos din ni Gen. Torre III na agarang lipulin sa lalawigang kinagisnan nina Department of Justice Secretary Boying Remulla at Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Sina Hero, Ka Minong at alyas Sgt. Hayag ay buong pagmamalaking ipinagbabanduhan na sila ang naatasan na ayusin ang operasyon ng lahat na uri ng kailegalan sa 16 na bayan at walong siyudad ng lalawigan ni Gov. Athena Bryana Tolentino.
Kapalit ng kanilang proteksyon sa mga vice at paihi operator ay milyones na lingguhang payola o intelhencia naman mula sa naturang pa-ilegal kasama na ang nakokolekta mula sa pa-bookies ng Perya ng Bayan (PnB) lotteng, EZ2, pick 3 at online gambling nina alyas Jun Toto, Nitang Kabayo, Kap Abner, Santander at iba pa.
Ipinagyayabang din ng tatlo (Hero, Ka Minong at alyas Sgt. Hayag) na kanilang isinusulit sa mga tanggapan ng mag-utol na Remulla, Gov. Tolentino at Cavite PNP OIC-Provincial Director Col. Dwight Alegre ang malaking kolektong?
Pati na ang kolek-tong sa sugal lupa na pergalan (peryahan na pulos sugalan) sa mga barangay ng Paradahan 1 at Punta 1 kapwa sa bayan ng Tanza ng isang alyas Egay at Lody; ng isang Charlie at Nina sa Brgy. Patungan sa bayan ng Maragondon; Michael sa Brgy. Sabang, Naic at Tetet sa Brgy. Paliparan, Dasmariñas City at iba pa ay kinikikilan din ng naturang kolektor na binansagang “tatlong bugok”.
Mahigpit na atas ni MGen. Torre III na ipatupad ng CIDG hierarchy ang “NO Take Policy” at “One Strike Policy” sa kanilang hanay sa buong bansa, ayon din sa MKKB.