Advertisers
Nakunan sa video ang pambubugbog ng isang ina sa 8-anyos na anak nang maghapong hindi umuwi sa Rodriguez, Rizal.
Sa ulat, mapanonood ang video ng pagmamakaawa ng bata na nagpupumiglas mula sa pagkakahawak sa kaniya ng ina.
Ilang saglit lang, sinuntok na ng ina ang bata.
Sinubukan pa ng bata na magpumiglas hanggang sa dumating ang kaniyang lola.
Pinagtulungang buhatin ng mag-ina ang bata at iniuwi sa kanilang bahay samantalang nagpapatuloy ang pananakit.
Nahagip din sa video ang lola na tatlong ulit na pinalo ang bata gamit ang tsinelas.
Sa isa pang punto, sinubukan pang hilahin ng lola ang bata pero ayaw talagang sumama nito.
Tumagal ang video ng mahigit pitong minuto hanggang sa maipasok na ang bata sa bahay na sumisigaw pa rin.
Ilang residente ang nag-ulat ng insidente sa barangay, na sila namang nag-report sa pulisya.
Lumabas sa imbestigasyon na maghapong hindi umuwi ang bata nang utusang bumili ng sigarilyo. Sa halip, ipinambili na lang ng bata ng laruan ang pera, at nahanap siya ng kaniyang magulang 5:00 ng hapon.
Ayon naman sa nanay ng bata, nagkasalubong sila ng anak at sa halip na lapitan siya, tumakbo ang bata palayo.
Paliwanag ng ina na tatlong buwang buntis, hindi na siya nakapagpigil dahil na rin sa pagod at tagal ng paghahanap sa bata.
Ayon naman sa bata, niyaya siya ng ilang kalaro para bumili ng pagkain at laruan kaya siya hindi agad nakauwi ng bahay.
Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Paul Macasa Sabulao, hepe ng Rodriguez, Rizal Police, na isinalaysay ng kanilang kapitbahay na binubugbog ng ina ang anak sa tuwing nagagalit ito. kaya naisipan na itong i-video.
“Naaawa na ako sa bata kasi laging ginagano’n ng nanay niya. Pinost ko po siya kasi para madala ‘yung nanay niya kasi lagi siyang ginagano’n,” sabi ni Remedios Ortanez, saksi at uploader ng video.
Ayon naman sa mag-ina, ito ang unang beses na nangyari ang insidente. Iginiit ng ina na hindi niya binugbog ang anak.
Nasa kustodiya na ng Rodriguez Municipal Police Station ang nanay at lola ng bata.
Iti-turnover sa DSWD ang bata, samantalang kakasuhan ang ina ng R.A. 7610 at saka physical abuse.