Advertisers

Advertisers

Wala nang TV show, nawalan pa ng commercials… Luis tanggap na apektado ang showbiz career sa pagpasok sa pulitika

0 12

Advertisers

Ni BLESSIE K. CIRERA

SA pagpasok sa pulitika, tanggap ni Luis Manzano na may mga bagay na kailangan niyang isakripisyo gaya ng kanyang TV career at mga product endorsements na nawala anya sa kanya.

Sinabi ito ni Luis sa idinaos na presscon sa ginanap na Barako Fest 2025 kamakailan sa Lipa, Batangas kasama ang kanyang inang si Star for All Seasons Vilma Santos na tumatakbo muli sa pagka-gobernador sa nasabing lalawigan at ang kanyang nakababatang kapatid na si Ryan Christian Recto na tumatakbo sa pagka-kongresista sa ika-anim na distrito ng Batangas.



Well, tanggap naman umano ni Luis na maaapektuhan ang kanyang buhay showbiz kaya hindi rin naging madali ang pagpayag niyang pasukin ang serbisyo publiko.

“Marami sa mga endorsements ko ang hindi na nag-renew. Sabi nga ni Gov. Vi, ‘Anak alam ko ang indistriyang ito pag pumasok ka sa pulitika, sa maniwala ka o hindi, kahit ang endorsements mo mawawala,” sey pa ni Luis na tumatakbo bilang bise gobernador ka-tandem ng inang si Vilma.

Nanghihinayang man dahil nakaapekto iyon sa kanyang kabuhayan, wala umanong magagawa si Luis kundi tanggapin ang mga advantages at disadvantages ng pagpasok sa politics.

Dagdag pa ni Ate Vi, mabawasan man daw ng endorsements si Luis, masarap naman ang tulog nito sa gabi dahil marami naman umano itong matutulungang tao.

Ibinalita pa ng TV host na nag-last taping na raw siya ng game show niyang Rainbow Rumble lalo pa’t nagsimula na ang kampanyahan para sa darating na eleksyon sa Mayo.



Kasabay nito, nagpasalamat din si Luis sa kanyang misis na si Jessy Mendiola sa suporta nito sa kandidatura niya.

Tsika naman ni Jessy, “100% I will always be by your side no matter what. Laban lang tayo.”

Samantala, nasa ikatlong taon na ngayon ang Barako Fest na nagsimula nitong nakalipas na Huwebes, Feb. 13 at tatagal hanggang Pebrero 15. Lumibot ang mag-iinang Recto na nanguna sa motorcade at ribbon cutting at lumibot sa Bypass Road na umabot nang ilang daan ang lumahok na negosyo mula sa iba’t ibang lugar sa Batangas.

Tatlong araw ang selebrasyon ng Barako Fest 2025 sa Lipa, Batangas na handog ng Talino at Puso Construction Workers Solidarity at Angkas party-list at iba pang private sectors.

Pinamahalaan din ito ng Managing Director ng Barako Fest na si John Bryan Diamante ng Mentorue Production.