Advertisers

Advertisers

SALA ANG PAMAMAHALA

0 2,582

Advertisers

Walang patid ang pagdausdos ng ekonomiya ng bansa sapul ng mamuno ang mahusay na lider kuno ng bansa na kapangalan ng kasalukuyang pangulo. Sa panahong bangit rumatsada ang pangungutang ng bansa upang matustusan kuno ang mga proyekto ng pamahalaan habang namumuhay sa labis na karangyaan ang pamilya ng dating lider. Nakatala sa kasaysayan ang ‘di mabilang na sapatos ng dating unang ginang na minsang ipinakita sa palasyo na paglalarawan ng uri ng pamumuhay gamit ang salaping bayan. Sa tala, walang hindi kayang bilihin ang dating pamilya maging ang ilang pag-aari ng kasalukuyang pangulo ng Amerika sa likod ng paghihirap ng maraming Pinoy sa nasabing panahon. At hindi mawawala sa tala ng kasaysayan na minsang ipinakain sa Pinoy ang dinurog na mais kapalit ng bigas sa kadahilanan sa taas presyo ng pangunahing butil na kinakain ng ating lahi. Walang maririnig na tumutol dahil dadamputin, pahihirapan at ikukulong sa karsel ng katotohanan na bulok o sala ang pamamahala.

Nagsalin salin ang liderato sa bansa at tila tsubibong sira ang takbo ng kabuhayan ng Pinoy na ‘di natikman ang pagtaas ngunit nanatiling na nakatulala sa kawalan. Nakatulala dahil lumaki ang utang o bayarin subalit ‘di bumubuti ang kabuhayan ng maraming Pinoy. Samantala, nagsimulang lumabas ang mga Pinoy ng bansa upang maghanap buhay sa kawalan ng mapapasukan sa bansa. Hindi nagkamali ang mga Pinoy sa pagdako sa ibang bansa sa paghahanap buhay dahil kahit paano naibsan ang paghihirap ng ilang pinalad. Sa paghahanap buhay sa labas ng bansa, maraming papuri ang maririnig sa ibang lahi sa husay at galing ng mga Pinoy sa mga larangang pinasukan. Sa husay ng mga obrerong Pinoy na naghahanap buhay sa labas ng bansa higit na hinanap ng ibang lahi ang serbisyong Pinoy sa iba’t ibang dako ng mundo. At ang simula ng paglago ng tinatawag ngayong OFW.

Kalakip ng paghahanap buhay sa labas ng bansa, dama ng pamahalaan ang ambag sa ekonomiya ng mga OFW sa pamamagitan ng buwis na tuwirang pumapasok sa kabang bayan. Ang maganda sa paghahanap buhay sa labas ng bansa ay nagbunsod ng karaniwang pagpapadala ng kinitang salapi sa mga pamilya na tuwirang itinutustos sa pangangailangan. Ang ambag sa ekonomiya ng bansa ng mga OFW’y ‘di matatawaran na malaki ang tulong higit sa paglutang ng ekonomiya ng bansa na pala-asa sa banyagang salapi. Sa likod ng kasalatan sa salapi ng bansa, napakalaking ambag ang ipinapadalang salapi ng mga OFW sa pamilya at natawag pang mga bagong bayani ng kasalukuyang panahon. Ganap na hindi matatawaran ang ambag ng mga OFW sa kabuhayan ng bansa na isang malaking hakbang sa pananatiling naka lutang ang ekonomiya ng bansa.



Tunay na walang pag-iimbot ang serbisyong dala ng mga OFW sa bayan, ngunit ‘di sapat ang sukling balik ng mga nanunungkulan. Malungkot ang pagtangap ng mga kapamilya ng OFW sa pamahalaan sa ‘di ramdam na pagpapataas ng kabuhayan ng nakakaraming Pinoy na ibig lumuwas ng ibang bansa upang manilbihan. Sa totoo lang, hindi na ibig ang madagdagan ang bilang ng Pinoy na obrero sa labas ng bansa kung dama ang pag-unlad o maging sa pagbaba ng halaga ng bilihin higit ang bigas na pangako sa lumipas na halalan. Hindi nakamtan ng Pinoy ang inusal na pagbaba ng presyo ng bigas at ng bilihin. At sa mga kaganapan tila hindi matutupad ang pangako sa likod muli ng katakot takot na panghihiram ng salapi sa dayuhan upang ipantustos kuno sa mga programang nakalatag o inilatag. Sa totoo lang, walang kilos ang ekonomiya ng bansa sa likod ng bilyon bilyong Maharlika Investment Corp na pinuhunan ng gobyerno. At ang masakit, hindi nilaanan ng pondo ang PHILHEALTH sa halip inatasan ang pangulo ng nasabing ahensya na ilipat ang P89.9B sa kabang bayan na ‘di ayon sa batas ng pagkakabuo ng Philhealth. Saan ang tungo ng serbisyong balik para sa bayan at sa OFW?

Ang paglilingkod sa bayan ang madalas na iniuusal ng mga lingkod bayan ngunit ‘di magawang bigyan ng disenteng pagtingin ang mga kababayan. Ang natatanganang salapi na mula sa pawis ni Mang Jua’y tinuturing na sariling pag-aari at pinangangalandakan na kanila ang proyektong na itayo o itatayo. Mapalad ang sino o ang lugar na nabangit na ang proyekto’y mula sa gobyerno at ‘di sa ngalan ng opisyal ng lunsod o lalawigan. Sa totoo pa rin, walang pagkakaiba sa tuwirang pambubulsa ng salapi ng bayan at sabihing kanya o kanila o sa opisyal ang pinatayong mga proyekto at kailangang tanawin ng utang na loob ng taong bayan, tama ba Manoy Cam Sur?

Sa haba ng panahon na nagsalin-salin sa lahi ng iilang politiko ang liderato sa bansa, patuloy na ‘di umuunlad ang kabuhayan ni Mang Juan. Ang ‘di magawang maiayos ang pamamahala sa pamahalaan na una ang sarili at ‘di ang bayan ang dahilan sa padausdos ng kabuhayan ng bayan at mamamayan. Silip sa tala na halos naungusan na ang bansa ng maraming bansa sa Asya sa usaping kabuhayan. Ganap na mayaman ang bansa sa mga likas yaman ngunit heto nasa hulihan ang bansa sa larangan ng ekonomiya. Maraming mapanlinlang na pahayag ng mga naglilingkod sa bayan o sa pamahalaan ngunit ang datos mula sa mga eksperto sa loob o labas ng bansa ang nagsasabi ng pawang katotohanan, pangalawa sa huli ang kabuhayan ng bansa.

Sa pagtanaw sa ekonomiya ng bansa, mabagal tungo sa nakatunganga sa ‘di mawaring pagpapatakbo ng mga eksperto sa ekonomiya ng bansa. Sa dami ng mga pondong inililipat kung saan saang programa ‘di makitaan na may nagaganap na positibong pagkilos sa ekonomiya ng bansa, ewan sa kalupi o lukbutan ng iilan sa pamahalaan. Walang napapansin na pumapasok na mamumuhunan na magtutulak sa ekonomiya upang gumalaw kahit marahan. Sa halip nariyan ang pagkalap ng pondo ng mga opisyal ng pamahalaan para sa sariling hangad at puhunan sa darating na halalan. Ang pagkalap ng pondo para sa sariling pakinabang ang salang kultura ang inambag ng mga opisyal ng bayan na tinutularan hanggang sa baba ng lipunan. Naman naman!

Sa totoo lang, malamlam ang lakarin ng bansa sa hinaharap sa salang pamamahala ng mga nakaupo higit ang kultura ng pangungulimbat at palaasang programa. Walang aasahang pag-unlad sa kabuhayan si Mang Juan higit sa uri ng lideratong walang malasakit sa maliliit. Hindi nakikita na magbabago ang kabuhayang na nagtulak sa maraming Pinoy na maghanap buhay sa labas ng bansa. Hindi ibig ibigay ang lakas at galing sa ibang lahi ngunit sa uri ng liderato, umasa o naghanda sa walang pag-asang makakamit ang pagbangon ng kabuhayan. Sala ang pamamahala sa bansa na dahilan ng paglubog ng araw sa umaga. Magising bayan ng makita ang ibig na pagbangon ng kabuhayan at huwag umasa sa sakim sa salaping pamahalaan.



Maraming Salamat po!!!!