Advertisers
SINALAKAY ng Bureau of Customs (BOC) ang dalawang tindahan ng kotse na sinasabing nagbebenta ng mega smuggled luxury vehicle online – kabilang ang Ferrari, Lamborghini, Maybach at Maserati – na tinatayang nagkakahalaga ng P1.4 bilyon, napag-alaman sa ulat noong Biyernes
Nakatanggap ang BOC-Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng mga larawan mula sa mga source na nagpapakita ng mga mamahaling sasakyan na sinasabing iligal na ibinebenta. Ang mga ni-raid na tindahan ng kotse ay ang AC Che Gong Miao sa Pasay City at TopCar Specialist and Trading Inc. sa Parañaque.
Sinusubaybayan ng BOC ang mga tindahang ito at ang mga mamahaling sasakyan simula pa noong unang bahagi ng buwang ito, ani CIIS director Verne Enciso.
Batay sa report kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio, nagsagawa ng mga pagsalakay ang mga tauhan ng CIIS noong Peb. 13. “Ang operasyong ito ay hudyat ng isang bagong diskarte sa mga estratehiya ng BOC sa pagtugis sa mga smuggler at pagtiyak ng koleksyon ng mga nararapat na kita na dapat bayaran ng gobyerno,” sabi ni Rubio.
Sa bodega ni AC Che Gong Miao, natagpuan ng mga awtoridad ang mga unit ng Ferrari LaFerrari, Lamborghini, McLaren, Maserati, Rolls-Royce, Mercedes-Benz, Maybach, Range Rover, Bentley, Alphard at Jeep Wrangler.
Natagpuan sa bodega ng TopCar Specialist ay Rolls-Royce Cullinan, Ferrari SF90 Stradale at Mansory, Mercedes-Benz V-Class, Maybach at BMW. Nilagyan ng padlock ng BOC ang mga bodega at nagtalaga ng mga tauhan upang siguruhin ang lugar.
Ang mga may-ari ng tindahan at ang mga sangkot sa negosyo ay binigyan ng 15 araw para magbigay ng patunay ng pagbabayad ng buwis para sa mga nasamsam na sasakyan.
Ang pagkabigong sumunod ay maaaring magresulta sa mga kasong paglabag sa Sections 1400 at 1401 na may kaugnayan sa Section 1113 ng Republic Act 10863, ang Customs Modernization and Tariff Act.
Binanggit ng BOC na ang tinatayang halaga ng mga luxury car ay hindi pa natatapos dahil ang mga item ay sumasailalim pa sa imbentaryo. (JOJO SADIWA/JERRY TAN)