Advertisers
SA pagsimula ng kampanya sa nasyunal nitong Martes at sa panayam sa mga kandidato, nabubuking ang mga pansariling intertes nila, pagkabalimbing at pagkaplastik ng ilan sa mga ito.
Ilan na nga rito sina Rodante Marcoleta, Apollo Quiboloy, Manny Pacquiao, Ronald “Bato” Dela Rosa at Philip Salvador.
Nang tanungin si Marcoleta hinggil sa isyu ng West Philippine Sea, ang bahagi ng karagatan na pinagtatalunan ng China at Pilipinas, sinabi ng una na ang WPS ay gawa-gawa lamang ng gobierno. Wala raw ito.
Nang atakehin si Marcoleta ng netizens sa pahayag niyang ito, bigla itong kumambyo. Ang WPS daw ay sa Pilipinas at ipaglalaban niya ito hanggang huling hininga. Naks!
Si Quiboloy naman, nang tanungin kung bakit siya tumakbong senador, sagot niya: “Ginulo nila ang ministeryo ko, guguluhin ko rin sila.” Araguy!!!
Si Quiboloy ay nakakulong sa Taguig City Jail dahil sa mga kasong non bailable tulad ng pananamantala at panggagahasa sa mga batang babae, pang-aabuso sa mga dati niyang staff sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC), at marami pang high crimes na nakasampa naman sa Amerika.
Sabi pa ni Quiboloy, binulungan siya ng Diyos para kumandidato. Hahaha…
Si Manny Pacquiao, ang tanging boksingero sa mundo na nagkampeon sa walong dibisyon, noong 2022 nang kumakandidato siyang presidente, binira niya ang Marcos, ang ina ni Pangulong Bongbong na si dating Unang Ginang Imelda na convicted sa Graft.
Sabi ni Pacquiao, dapat makulong si Imelda dahil sa limpak-limpak na ninakaw nito noong Unang Ginang.
Pero ngayong kandidato siya sa tiket ng administrasyon, biglang bawi ito sa kanyang atake sa Marcos. Marami raw nagawang mabuti ang Marcos at hindi ito magnanakaw. Ngek!
Si Bato naman, nang tanungin hinggil sa WPS, nagyaya ito at nagyabang na handa siyang makipag-giyera sa China. Samantalang noong administrasyon nila ni Duterte, todo puri niya ang China, wala raw itong nilalabag sa WPS at dedma lang sa panghaharas ng China Coast Guard sa mga mangingisdang Pinoy.
Ito namang dating action star na si Philip Salvador, wawakasan daw niya ang korapsyon at aayusin ang mga problema ng bansa.
Sagot ng netizens kay Philip: “Hindi ka nga naging mabuting ama ng anak mo kay Kris, aayusin mo pa ang problema ng bansa.” Oo nga! Hahaha…
Kung kayo ang tatanungin, okey ba sa inyo maging senador ng Republika ng Pilipinas ang mga kandidatong ito na obviously ay mga walang prinsipyo at walang paninindigan. Ewan!
***
Matigas na sinabi ni dating Senador Antonio Trillanes na hinding hindi niya bibitawan ang isyu ng kontrobersiyal na bank accounts ni dating Pangulo Rody Duterte at kanyang mga anak.
“Hindi ko bibitawan ang bank accounts issue na ito kasi namimilipit si (Rodrigo) Duterte kapag ito ang pinag-uusapan kasi dito siya mabibisto kung gaano siya ka-corrupt at involved sa illegal drugs,” diin ni Trillanes.
Kung maaalala, si Trillanes ang naging rason ng pagkakulong sa Plunder ni ex-Pres. Gloria Arroyo at pagkabunyag ng “hidden wealth” ni dating Vice Pres. Jojo Binay.
Ayon sa mga House prosecutor sa impeachment, posibleng buksan nila ang bank records ng Duterte sa impeachment trial. Boom!