Advertisers
Pasok na pala sa “Magic 12” sa labanan sa pagkasenador si dating DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. para halalan sa Mayo 12, 2025.
Hindi haka-haka ang ulat kung hindi base ito sa pinakabagong tugon ng Masa sa pinakabagong Tugon ng Masa pre-election survey na isinagawa ng Octa Research.
Sa survey, mula nitong Enero 25-31, tumataas ang bilang ng nagtitiwala kay Abalos. Nakakuha ang dating kalihim ng 39% voting preference mula sa mga tinanong kung sino ang kanilang iboboto kung gaganapin ang eleksyon sa kasalukuyang panahon.
Mas mataas ito sa survey noong Disyembre 2024 – si Abalos ay nakakuha ng 30% na suporta mula sa mga respondent.
Ang survey ay isinagawa sa National Capital Region, Balanced Luzon, Visayas, at Mindanao, kung saan 1,200 respondent mula sa Class A, B, C, D, at E, na may edad 18 pataas, ang lumahok.
“If the May 2025 elections were held during the survey period, 16 personalities would have a statistical chance of winning,” ayon sa highlights ng Octa Research survey.
Nagpasalamat naman si Abalos sa publiko sa patuloy na pagtitiwala sa kanyang adbokasiya at mga panukalang batas.
Sa pagsisimula ng campaign period para sa mga senatorial candidates at party-list representatives nitong Pebrero 11, nangako si Abalos na mas lalo pa niyang ipapakita sa taumbayan ang kanyang sipag at dedikasyon bilang isang masigasig na “job applicant” para sa Senado.
Ayon kay Abalos, ang positibong resulta ng Octa Research survey ay patunay ng kanyang integridad, na naipakita niya sa pamamagitan ng mas sistematikong kampanya laban sa iligal na droga at sa pagtugis sa malalaking lumalabag sa batas noong siya pa ang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Nito naman Martes, Pebrero 11, sa pagsisimula ng campaign period para sa pagkasenador at partylist, ipinangako ni Abalos na ipagpapatuloy ang kanyang istilo ng pamamahala na nakatuon sa pagiging proactive—isang epektibong estratehiya na nagpabago sa Lungsod ng Mandaluyong upang maging “Tiger City” ng Pilipinas.
At ang pagiging proactive sa mga programa at proyekto ay hindi isang bagay na natututunan lamang sa isang iglap. Kinakailangan nito ng mga taon ng pakikisalamuha sa mga tao upang matukoy ang kanilang mga suliranin at kung paano sila maaaring maging bahagi ng proseso ng paggawa ng solusyon.
“Dapat ay lagi tayong proactive kapag nag-iisip ng programa. At ang pagiging proactive ay makukuha mo lang sa aktibong pakikipag-usap sa ating mga kababayan,” ayon kay Abalos.
Napatunayan sa nakaraan na hindi epektibo ang top-to-bottom na pagpapatupad ng mga proyekto at programa, dahil kadalasan, ang mga ito ay hindi tugma sa tunay na pangangailangan ng mga mamamayan sa grassroots level.
Sa kaso ng Lungsod ng Mandaluyong, ang aktibong partisipasyon ng mga residente mula pa sa yugto ng pagpaplano ay nagresulta sa pagpapatupad ng mga programang tumutugon sa kanilang pangangailangan—isang mahalagang salik sa mabilis na paglago ng ekonomiya ng lungsod noong panahon ni Abalos bilang alkalde.