Advertisers
NITONG nagdaang linggo nanawagan ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa House Committee on Ethics and Privileges ng Kongreso na aksiyunan ang reklamong isinampa ng mga katutubong Lumad laban kay ACT Party-list Representative France Castro.
Inihayag din ng NTF-ELCAC ang paghanga nito sa katapangan ng mga katutubong Ata-Manobo Tribal Council of Elders at Leaders of the Talaingod Indigenous Political Structure sa paghahanap ng hustisya at pananagutin ang mga nanamantala sa kanila.
Ipinakita ng mga katutubo ang paninindigan nito upang protektahan ang kanilang karapatang pangtao at dignidad ng mga IP community, lalo na sa kanilang mga anak.
Tiniyak naman ng task force na ito’y lubos na susuporta sa laban ng mga IP sa pamamagitan ng panawagan sa House Committee on Ethics and Privileges na aksiyunan ang reklamo ng mga katutubo na isinampa laban kay ACT Party-list Representative France Castro noon pang December 2024.
Ang panaghoy ng mga IP ay kailangang tugunan ayon sa task force, lalo na ngayong panahon, na ang bawat Filipino ay umaasa sa mga ‘public institutions’ gaya ng Kongreso, tungo sa pagsulong ng kapayapaan, pagkakaisa at kaunlaran.
Sa kabila ng ibinabang hatol ng korte noong July 2024 laban kay Castro at 12 pa, sa pang-aabuso sa mga IPs, ang pananagutan ng mga akusado ay ‘di pa naisasagawa, sa kabila na anim na taong pagkakabilanggo ang hatol sa mga ito.
Sa mata ng mga katutubo, ang mabagal at tila walang katiyakang aksyon ng Kamara ay nagsasaad na ang grupo nina Castro kasama ang Makabayan bloc ay ‘di kayang sampahan o’ hatulan ng kanilang mga kasamahan sa Kongreso.
“We challenge Rep. Castro to walk her talk when speaking of accountability and justice. If she truly stands by these principles, she should submit herself to the ethical scrutiny demanded by the very people she has wronged. This is an opportunity for her and her colleagues to demonstrate genuine adherence to the values they claim to champion,” ang hamon ng NTF-ELCAC kay Castro.
Nanawagan din ang NTF-ELCAC sa House of Representatives na ipakita ang kanilang pakikipag-isa sa mga katutubo gaya ng Talaingod, nang masiguro na ang kanilang paghahanap sa hustisya ay talagang may patutunguhan.
Ang tanong. Magawa naman kaya ng Kongreso ang paki-usap ng NTF-ELCAC o sabihin na natin nang diretso, kaya ba ng Kongreso ipakita ang suporta nito sa mga katutubo?
Nakasalalay ang integridad ng Kongreso sa pagpapataw ng kaukulang parusa sa kapwa nila mambabatas, dahil nakataya rito ang pananagutan at public trust.